Monday, April 5, 2010

Ang Bibliya

Ito para sa inyo, ginawa namin ito ng mahabang panahon, pawis at pagod.
Manalangin muna at basahin ng mabuti ang nilalaman.

Sino ba si Bible na madalas na naririnig na kilala lamang sa pangalan ng mga taga-pakinig, maraming hindi nakakakilala sakin ng personal at maging panloob pati narin sa labas. Ok, sisimulan ko munang magpa-kilala, ang “Salita ng Diyos”. Taga-bigay ng mensahe at sa mundo isinilang, taas noo ako’ng mamahagi ng mensahe at nakasama ang mga nagbalik-loob, aking tanging hangarin ay magbigay ng mensahe sa mga gustong maging anak niya at makilala Siya at ako ang magdudugtong o magbibigay ng kaalaman upang makilala mo Siya at ito ang kuwento ko sa una kong pag-papakilala, unang pahina at unang kabanata. Kung hindi mo pa ako kilala pakinggan ang salitang ito sa pagsabay sa himig ko makikilala mo ako, samahan mo ng puso ang pakikinig sa aking salita. Isantabi ang poot at buksan ang mga mata.
Ikaw ay taong makasalanan kung tutuusin, handa ka ba’ng isuko ang buhay mo kung tutubusin. Si Jesus ang iyong buhay ay iyo ba’ng tatanggapin. At ang kasalanan sa iyo’y tatanggalin. Kung yan lang ang paraan upang malinis ang kaluluwa, hindi mo ba ikalulungkot at iyong ikatutuwa? Ang dami mong kasalanan na hindi pinagbayaraan, ang dami mong sinaktan at marami ring pinabayaan. Mga payo ng iyong magulang at kanilang pangangaral naisip mo bang sila ang dahilan ng iyong pag-aaral na dahil sa kanila hindi ka lumaking tanga. Masinop ang iyong Ina at masipag ang iyong Ama. May nasuway ka nab a sa sampung utos? May misyon ka pa sa buhay na hindi pa tapos. Ang talikuran ang demonyo o kasalanan at humarap sa Diyos. Kung hindi mo pa ako kilala pakinggan ang salitang ito sa pagsabay sa himig ko makikilala mo ako, samahan mo ng puso ang pakikinig sa aking salita. Isantabi ang mga poot at buksan ang mga mata.

Dati may napamahagian ako ng mensahe sa dating hindi naniniwala sa Diyos ayaw niyang sumama kapag mag-sisimba noon. Siga pa siyang maglakad at maangas na binatilyo kapag lumabas, nakahubad at malakas manigarilyo. Noong nakilala niya Siya, nagbago ang kaniyang buhay dahil salita palang Niya pumuputol na ng pangil. Siya mismo ang nagsabi na dapat mag-pasalamat ka ayaw ka Niyang mapahamak, kahit makasalanan ka. Mga nagdaang panahon ay aking babalikan, salamat nga pala sa pakikinig. Salamat nga pala kay Jesus,siya ang dahilan kung bakit buhay ka pa ngayon. Salamat din sa Diyos na nagbigay sa atin ng kayamanan, buhay na kahit kailan hindi natin kayang bayaran. Dahil sa Diyos, Siya ang dahilan kung bakit mo naririnig itong salitang ito. Kung hindi mo pa ako kilala pakinggan itong salitang ito sa pagsabay sa himig ko makikilala mo ako, samahan mo ng puso ang pakikinig sa aking salita, isantabi ang mga poot at buksan ang mga mata.

Ang Bibliya- ANO ANG MENSAHE NITO?

Bakit Mahalaga ang Bibliya?

Pamilyar ka ba sa Bibliya? Halos lahat ng tao sa apat na sulok ng daigdig ay may kopya na ng aklat na ito. Anuman ang kanilang kultura, ang mensahe nito ay nakapagbibigay sa kanila ng kaaliwan at pag-asa, at kapakipakinabang ang payo nito sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Pero marami pa rin sa ngayon ang walang gaanong alam tungkol sa Bibliya. Relihiyoso ka man o hindi, interesado ka rin sigurong malaman ang sinasabi nito. Ang salitang naririnig mo ay dinisenyo para magkaroon ka ng ideya sa nilalaman ng Bibliya.

Bago mo basahin ang Bibliya, makabubuting alamin mo muna ang ilang bagay tungkol sa aklat na ito. Ang Bibliya, na tinatawag ding Banal na Kasulatan, ay binubuo ng 66 na maliliit na aklat na nagsisimula sa Genesis at natatapos sa Pahayag, o Apocalipsis.

Sino ba ang awtor ng Bibliya? Iyan ang malaking tanong. Ang totoo, mga 40 lalaki ang sumulat ng Bibliya sa loob ng mga 1,600 taon. Pero kapansin-pansin hindi inangkin ng mga lalaking ito na sila ang awtor ng Bibliya. Sinabi ng isa sa mga manunulat: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) SInabi naman ng isa pa: “Ang espiritu ni Jehova ang nagsalita sa pamamagitan ko, at ang kaniyang salita ay nasa aking dila.” (2 Samuel 23:2) Kaya ipinakikita ng mga manunulat na ang Awtor ng Bibliya ay ang Diyos na Jehova, ang Kataas-taasang Tagapamahala ng uniberso. Makikita sa kanilang mensahe na gusto ng Diyos na mapalapit ang mga tao sa kaniya.

Pero may isa pang mahalagang bagay na dapat mong malaman tungkol sa Bibliya. Ang pinakatema ng buong Banal na Kasulatan ay ang pagbabangong-puri sa soberanya ng Diyos- ang kaniyang karapatang mamamahala sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na Kaharian. Sa susunod na mga pahina, makikita mo kung paano pinag-uugnay ng temang ito ang buong Bibliya, mula sa Genesis hanggang Apocalipsis.

Habang isinasaisip ito, tingnan mo ngayon ang mensaheng nilalaman ng pinakapopular na aklat sa daigdig, ang Bibliya.

ILANG IMPORMASYON TUNGKOL SA BIBLIYA

Isinulat ito sa loob ng 1,610 taon, mula 1513 B.C.E. hanggang 98 C.E.*

Ang unang 39 na aklat- na ang karamihan ay isinulat sa wikang Hebreo at ang ilan nama’y sa wikang Aramaiko- ay tinatawag na Hebreong Kasulatan, o “Lumang Tipan.”

Ang huling 27 aklat- na isinulat sa wikang Griego- ay tinatawag na Kristiyanong Griegong Kasulatan, o “Bagong Tipan.”

Ang Bibliya ay nahahati sa mga kabanata at mga talata. Halimbawa, ang Mateo 6:9, 10 ay tumutukoy sa aklat ng Mateo, kabanata 6, talata 9 at 10.

1] Gumawa ang Diyos ng Paraiso Para sa Tao

Nilalang ng Diyos ang uniberso at ang buhay sa lupa; lumalang siya ng sakdal na lalaki at babae, inilagay niya sila sa magandang halamanan, at binigyan ng mg autos na dapat sundin

“NANG pasimulay ay nilalang ng Diyos ang langit at lupa.” (Genesis 1:1) Sinasabing ito ang pinakapopular na introduksiyong isinulat kailanman. Sa pamamagitan ng simple pero makahulugang pangungusap na ito, ipinakikilala sa atin ng Bibliya ang pinakamahalagang Persona sa buong Banal na Kasulatan- ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova. Ipinakikita ng unang talata ng Bibliya na ang Diyos ang Maylalang ng napakalawak na Uniberso, pati na ng planetang tinatahanan natin. Ipinaliliwanag naman ng sumusunod na mga talata na sa loob ng sunud-sunod na mahahabang yugto ng panahon, na tinatawag na mga araw (hindi literal na araw na may 24 na oras), inihanda ng Diyos an gating tahanang lupa, anupat ginawa niya ang lahat ng kahanga-hangang bagay sa ating daigdig.

Ang pinakadakilang nilalang ng Diyos sa lupa ay ang tao. Nilalang ito ayon sa larawan ng Diyos- isa na may kakayahang magpakita ng mga katangian ni Jehova, gaya ng pag-ibig at karunungan. Ginawa ng Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa. Tinawag siya ng Diyos sa pangalang Adan, at inilagay siya sa isang paraiso- ang hardin ng Eden. Ang Diyos mismo ang gumawa ng halamanang iyon, na puno ng magaganda at mabubungang punungkahoy.

Nakita ng Diyos na makabubuti para sa lalaki na magkaroon ng kapareha. Mula sa isang tadyang ni Adan, gumawa ang Diyos ng isang babae at dinala ito sa lalaki bilang kaniyang asawa, na pagkaraan ay tinawag ng lalaki sa pangalang Eva. Sa Tuwa ni Adan, naging makata siya sa pagsasabi: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman.” Sinabi ng Diyos: “Iyan ang dahilan kung bakit iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.”-Genesis 2:22-24,3:20.

Ang Diyos ay nagbigay ng dalawang utos kina Adan at Eva. Una, inutusan niya silang lingangin at alagaan ang kanilang tahanang lupa at punuin ito ng kanilang mga anak. Ikalawa, pinagbawalan niya silang kumain ng bunga ng isang particular na punungkahoy sa gitna ng napakalawak na halamanan, ang “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 2:17) Mamamatay sila kapag sumuway sila. Sa pamamagitan ng mg autos na ito, binigyan ng Diyos ang lalaki at babae ng pagkakataong maipakita ng tinatanggap nila siya bilang kanilang Tagapamahala. Maipakikita nila ang kanilang pag-ibig at pagtanaw ng utang na loob kung susundin nila ang mga utos na ito. Wala silang dahilan para tanggihan ang kaniyang mabait na pamamahala. Walang kapintasan ang sakdal na mga taong ito. Sinasabi ng Bibliya: “Nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! Iyon ay napakabuti.”-Genesis 1:31.
-Batay sa Genesis kabanata 1 at 2.

ANG PANGALAN NG DIYOS
Sa Banal na Kasulatan, ang Diyos ay tinutukoy sa iba’t ibang titulo, gaya ng Maylalang at Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. May ilang titulong nagtatampok sa mga katangian ng Diyos, gaya ng kaniyang kabanalan, kapangyarihan, katarungan, karunungan, at pag-ibig. Pero binigyan din ng Diyos ang kaniyang sarili ng pangalan- Jehova. Mga 7,000 ulit na lumitaw sa Bibliya, sa orihinal na mga wika nito, ang pangalan ng Diyos. Ang una ay sa Genesis 2:4. Ang ibig sabihin ng pangalang Jehova ay “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.” Nakatutuwang malaman iyan, dahil nangangahulugan iyan na kayang tuparin ng Diyos ang lahat ng kaniyang layunin at pangako.
2] Nawalang Paraiso
Tinukso ng isang rebeldeng anghel ang unang lalaki at babae, sina Adan at Eva, na tanggihan ang pamamahala ng Diyos. Dahil dito, sinalot ng kasalanan at kamatayan ang lahat ng tao
MATAGAL pa bago lalangin ng Diyos ang mga tao, lumalang muna siya ng maraming di-nakikitang espiritu- mga anghel. Sa Eden, si Eva ay tinukso ng isang tuso at rebeldeng angehel, si Satanas na Diyablo, na kainin ang bunga ng punungkahoy na ipinagbawal ng Diyos.
Gumamit si Satanas ng isang ahas para makipag-usap kay Eva at palabasin na pinagkaitan ng Diyos ang babae at ang asawa nito ng isang bagay na mabuti. Sinabi ng anghel kay Eva na kahit kainin nilang mag-asawa ang ipinagbabawal na bunga, hindi sila mamamatay. Kaya para na ring sinabi ni Satanas na nagsisinungaling ang Diyos. Pinalabas ng mandarayang si Satanas na kung susuwayin nila ang Diyos, mabubuksan ang kanilang isip at sila’y magiging malaya. Pero isa itong malaking kasinungalingan- sa katunayan, ito ang kauna-unahang kasinungalingan sa lupa. Ang talagang isyu ay may kinalaman sa soberanya ng Diyos- kung may karapatan ba ang Diyos na mamahala at kung ang pamamahala niya ay matuwid at para sa kapakanan ng kaniyang mga sakop.

Napaniwala ni Satanas si Eva. Natakam si Eva sa bunga, at kumain siya nito. Binigyan niya ang kaniyang asawa, at kumain din ito. Bilang resulta, naging makasalanan sila.
Parang simpleng bagay lamang ang ginawa nila pero ang totoo, pagrerebelde ito. Sinadya nina Adan at Eva na suwayin ang utos ng Diyos, kaya para na rin nilang tinanggihan ang pamamahala ng Maylalang na nagbigay sa kanila ng lahat ng bagay, pati na ng sakdal na buhay.
Hinahatulan ng Diyos ang mga rebelde. Inihula niya ang pagdating ng ipinangakong Binhi, o Tagapagligtas, na pupuksa kay Satanas na siyang serpiyente, o ahas. Hindi agad inilapat ng Diyos ang sentensiyang kamatayan kina Adan at Eva dahil sa awa niya sa kanilang magiging anak. May pag-asa pa ang mga isisilang na ito dahil aalisin ng Isa na isusugo ng Diyos ang kapaha-pahamak na mga epekto ng paghihimagsik ng Eden. Kung paano tutuparin ng Diyos ang kaniyang layunin may kinalaman sa Tagapagligtas- at kung sino ang Isang iyon na isusugo niya- iyan ay unti-unting sinagot ng Bibliya.

Pinalayas ng Diyos sina Adan at Eva mula sa Paraiso. Sa labas ng hardin ng Eden, dugo at pawis ang kailangan para magbungkal ng lupa at mabuhay. Nang maglaon, nagdalang tao si Eva at isinilang si Cain, ang panganay na anak ni Adan. Nagkaroon pa ng ibang mga anak ang mag-asawa, gaya ni Abel at ni Set, na ninuno ni Noe.
-Batay sa Genesis kabanata 3 hanggang 5; Apocalipsis 12:9.

Ang binhi “ang sugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.”-Genesis 3:15

DI-KASAKDALAN AT KAMATAYAN

Nilalang ng Diyos sina Adan at Eva na sakdal at may pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso. Nang magrebelde sila sa Diyos ,nagkasala sila. Kaya hindi na sakdal sina Adan at Eva at sira na ang kanilang kaugnayan sa Bukal ng buhay, si Jehova. Mula noon, sila at ang kanilang di-sakdal na mga anak ay naging alipin na ng kasalanan at kamatayan.-Roma 5:12

3] Nakaligtas sa Baha ang Tao

Pinuksa ng Diyos ang lahat ng masasamang tao pero iniligtas niya si Noe at ang pamilya nito

HABANG dumarami ang tao, lalong lumalaganap ang kasalanan at kasamaan sa lupa. Nagbabala si Enoc, ang kaisa-isang propeta noon, na balang-araw ay pupuksain ng Diyos ang masasama. Pero tuloy pa rin ang kasamaan, at lalo pa itong lumalala. May ilang na nagrebelde kay Jehova at iniwan ang kanilang dako sa langit. Sila’y nagkatawang-tao at buong-kasakimang kumuha ng mga babae para sipingan nila. Ang di-normal na pagtatalik na iyon ay nagbunga ng kakaibang mga anak- mga sigang higante na tinatawag na Nefilim. Dahil sa kanila, lumala ang karahasan at lalong dumanak ang dugo sa daigdig. Halos madurog ang puso ni Jehova nang makita niyang napapahamak ang kaniyang mga nilalang sa lupa.

Pagkamatay ni Enoc, isang lalaki ang napansing naiiba sa gitna ng masasamang tao sa daigdig. Noe ang pangalan niya. Sinikap niya at ng kaniyang pamilya na gawin kung ano ang tama sa paningin ng Diyos. Nang ipasiya ng Diyos na puksain ang masasama noong panahong iyon, gusto niyang iligtas si Noe at ang mga hayop. Kaya inutusan ng Diyos si Noe na gumawa ng arka- isang napakalaki at parihabang sasakyang pantubig. Sa pamamagitan ng arkang ito, makaliligas si Noe at ang kaniyang pamilya, pati na ang napakaraming hayop, sa darating na pang-globong baha. Sinunod ni Noe ang Diyos. Sa loob ng mga 40- o 50-taong paggawa ng arka, si Noe ay naging “mangangaral ng katuwiran.”(2 Pedro 2:5) Nagbabala siya sa mga tao tungkol sa darating na Baha, pero hindi siya pinansin ng mga ito. Panahon na para pumasok sa arka sina Noe, pati na ang mga hayop. Pagkapasok nila, isinara ng Diyos ang pinto ng arka. Bumagsak ang ulan.

Bumuhos ang napakalakas na ulan sa loob ng 40 araw at 40 gabi hanggang sa lumubog sa tubig ang buong lupa. Namatay ang lahat ng masasama. Pagkalipas ng ilang buwan, unti-unting humupa ang baha at lumapag ang arka sa isang bundok. Isang buong taong nasa loob ng arka sina Noe bago sila ligtas na nakalabas. Bilang pasasalamat, naghandog si Noe kay Jehova. Nangako naman si Jehova kay Noe at sa kaniyang pamilya na hindi na puksain ang lahat ng nabubuhay sa ibabaw bilang garantiya, isang tanda na tutuparin niya ang nakakaaliw na pangakong iyon.

Pagkatapos ng Baha, nagbigay ang ilang bagong utos sa mga tao .pinahihintulutan na niya silang kumain ng karne ng hayop. Pero ipinagbawal niya ang pagkain ng dugo. inutusan din niya nag mga inapo ni Noe na mangalat sa buong lupa, pero sumuway ang ilan sa kanila nagsama-sama ang mga tao sa ilalim ng pamumuno ni Nimrod at nagtayo ng isang napakalaking tore sa lunsod ng Babel, na nang maglayon ay tinawag na Babilonya. Ayaw nilang sundin ang utos ng Diyos na mangalat sa buong lupa. Pero hindi pinahintulutan ng Diyos ang mga rebelde sa gusto nilang mangyari. Kaya ginulo niya at pinag-iba-iba ang kanilang wika. Palibhasa’y hindi sila magkaintindihan, iniwan nila ang proyekto at nangalat sila.
-Batay sa Genesis kabanata 6 hanggang 11; Juad 14,15.

PAGLAKAD NA KASAMA NG DIYOS

Karamihan sa mga anak nina Adan at Eva ay ayaw sa pamamahala ni Jehova. Pero hindi naman lahat. Halimbawa, ang anak nilang si Abel ay naging tapat. Pagkaraan, sina Enoc at Noe ay lumakad na kasama ng Diyos, na nangangahulugang namuhay sila ayon sa kalooban ni Jehova.(Genesis 5:22. 6:9) Karamihan ng ulat sa Bibliya ay tungkol sa mga lalaki at babaing nagpasiyang sumunod sa Diyos bilang kanilang Tagapamahala.

4] Nakipagtipan ang Diyos kay Abraham

Taglay ang pananampalataya, sumunod si Abraham sa Diyos, at nangako si Jehova na pagpapalain siya at pararamihin ang kaniyang mga inapo

MGA 350 taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang Baha noong panahon ni Noe. Si Abraham ay naninirahan sa maunlad na lunsod ng Ur, na nasa bansang kilala ngayon bilang Iraq. Siya ay isang lalaking may pambihirang pananampalataya. Pero masusubok ito ngayon.

Inutusan ni Jehova si Abraham na umalis sa kaniyang lupang tinubuan at lumipat sa isang banyagang lupain, ang Canaan. Hindi nagdalawang-isip si Abraham. Isinama niya ang kaniyang buong sambahayan- ang kaniyang asawang si Sara, pamangking si Lot, at mga tagapaglingkod. Matapos ang mahabang paglalakbay, dumating sila sa Canaan at nanirahan sa mga tolda. Sa pakikipagtipan kay Abraham, nangako si Jehova na gagawa Siya ng isang dakilang bansa mula sa kaniya, na pagpapalain sa pamamagitan niya ang lahat ng pamilya sa daigdig, at na aariin ng kaniyang mga anak ang lupain ng Canaan.

Yumaman sina Abraham at Lot, at dumami ang kanilang mga tupa at mga baka. Palibhasa’y mapagbigay si Abraham, pinapili niya si Lot kung anong teritoryo ang gusto nitong ariin. Ang mabungang distrito ng Ilog Jordan ang pinili ni Lot at nanirahan sila malapit sa lunsod ng Sodoma. Pero ang mga taga-Sodoma ay imoral- mga taong sagad sa buto ang kasamaan.

Nang maglaon, nangako ang Diyos na Jehova kay Abraham na magiging kasindami ng mga bituin sa langit ang kaniyang binhi. Nagtiwala si Abraham sa pangakong iyan. Pero hindi pa rin nagdadalang-tao ang mahal niyang asawang si Sara. Nang si Abraham ay 99 na taong gulang na at si Sara naman ay malapit nang mag-90, sinabi ng Diyos kay Abraham na magkakaroon sila ng isang anak na lalaki. Nagkatotoo nga ang sinabi ng Diyos, at isinilang ni Sara si Isaac. May iba pang mga anak si Abraham, pero kay Isaac magmumula ang darating na Tagapagligtas na ipinangako noon sa Eden.

Samantala, bagaman naninirahan sa Sodoma ang matuwid na si Lot at ang kaniyang pamilya, hindi siya naging tulad ng imoral na mga tagaroon. Nang ipasiya ni Jehova na puksain ang mga taga-Sodoma, nagsugo siya ng mga anghel para babalaan si Lot tungkol sa nalalapit na pagpuksang iyon. Sinabihan ng mga anghel si Lot at ang kaniyang pamilya na umalis agad sa Sodoma at huwag lumingon sa likuran. Pagkatapos, ang Diyos ay nagpaulan ng apoy at asupre sa Sodoma at sa kalapit nitong lunsod ng Gomorra na napakasama rin. Napuksa ang lahat ng naninirahan sa dalawang lunsod na ito. Nakatakas si Lot at ang kaniyang dalawang anak na babae. Pero lumingon sa likuran ang asawa ni Lot, marahil dahil sa paghihinayang sa mga naiwan nilang ari-arian. Buhay niya ang naging kapalit ng kaniyang pagsuway.
-Batay sa Genesis 11:10-19:38.

ISANG DIYOS NG MGA TIPAN

Noong panahon ng Bibliya, ang isang tipan ay tumutukoy sa isang kontrata o pormal na kasunduan. Sa pamamagitan ng sunud-sunod na tipan, na binubuo ng taimtim na mga pangako, unti-unting ipinakita ni Jehova kung paano matutupad ang kaniyang layunin may kinalaman sa Tagapagligtas na ipinangako noon sa Eden. Ayon sa tipan kay Abraham, ang ipinangakong Isa ay magmumula sa angkan ni Abraham. Niliwanag naman ng sumunod na mga tipan kung sino ang Isang iyon.

5] Pinagpala ng Diyos si Abraham at ang Kaniyang Pamilya

Dumami ang mga inapo ni Abraham. Iningatan ng Diyos si Jose sa Ehipto

ALAM ni Jehova na darating ang panahong magdurusa at mamamatay ang kaniyang pinakamamahal na Anak. Ipinahiwatig iyan ng hula sa Genesis 3:15. Maipadarama kaya ng Diyos sa mga tao kung gaano kalaking sakripisyo sa kaniya ang pagkamatay ng kaniyang Anak? Isang buhay na ilustrasyon ang makikita natin sa Bibliya. Hiniling ng Diyos kay Abraham na ihain si Isaac, ang pinakamamahal nitong anak.

Napakalaki ng pananampalataya ni Abraham. Tandaan, nangako sa kaniya ang Diyos na magmumula kay Isaac ang inihulang Tagapagligtas, o Binhi. Palibhasa’y nagtitiwala siyang kayang buhaying-muli ng Diyos si Isaac, hindi nagdalawang-isip si Abraham na ihain ang kaniyang anak. Pero nang aktong sasaksakin na niya si Isaac, pinigilan siya ng isang anghel na isinugo ng Diyos. Natuwa ang Diyos kay Abraham dahil talagang handa nitong ihandog ang pinakamamahal nitong anak na si Isaac. Kaya naman inulit Niya ang kaniyang pangako sa tapat na lalaking ito.

Nang maglaon, nagkaroon ng dalawang anak si Isaac- sina Esau at Jacob. Di-gaya ni Esau, si Jacob ay nagpahalaga sa kaniyang kaugnayan sa Diyos at ginantimpalaan siya dahil dito. Pinalitan ng Diyos ang pangalan ni Jacob at ginawa itong Israel, at ang 12 anak na lalaki ni Israel ay naging ulo ng mga tribo ng Israel. Pero paano naging isang dakilang bansa ang pamilyang ito?

Nagsimula ang lahat nang mainggit ang karamihan sa mga anak na ito sa kanilang nakababatang kapatid na si Jose. Ipinagbili nila si Jose sa mga mangangalakal bilang alipin, at dinala naman siya ng mga ito sa Ehipto. Pero pinagpala ng Diyos ang tapat at matapang na binatang ito. Dumanas si Jose ng matinding paghihirap, pero nang maglaon, binigyan siya ng tagapamahalang Ehipsiyong si Paraon ng malaking awtoridad. Tamang-tama ito, sapagkat nagkaroon ng taggutom noon at kinailangang papuntahin ni Jacob sa Ehipto ang ilan sa kaniyang mga anak para bumili ng pagkain- at nagkataon namang si Jose ang nangangasiwa sa lahat ng pagkain sa lupain! Pagkatapos ng kanilang madamdamin at di-inaasahang pagkikita, pinatawad ni Jose ang nagsisisi niyang mga kapatid at pinalipat sa Ehipto ang kanilang buong pamilya. Binigyan sila ng napakagandang lupain, at patuloy silang umunlad at dumami. Naintindihan ni Jose na isinaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay na iyon para matupad ang Kaniyang mga pangako.

Doon na sa Ehipto tumanda si Jacob, kapiling ang kaniyang lumalaking pamilya. Nang malapit na siyang mamatay, inihula niya na ang ipinangakong Binhi, o Tagapagligtas, ay magiging isang makapangyarihang Tagapamahala na isisilang mula sa angkan ng kaniyang anak na si Juda. Bago naman mamatay si Jose makalipas ang ilang taon, inihula niya na balang-araw ilalabas ng Diyos ang pamilya ni Jacob mula sa Ehipto.
-Batay sa Genesis kabanata 20 hanggang 50; Hebreo 11:17-22.

6] Nanatiling Tapat si Job

Hinamon ni Satanas ang katapatan ni Job sa Diyos, pero nanatiling tapat si Job

MAY tao kayang makapananatiling tapat sa Diyos kahit dumaranas ng napakatinding pagsubok, o kahit wala namang makukuhang material na pakinabang sa pag-sunod sa Kaniya? Ang tanong na iyan ay bumangon- at nasagot- sa kaso ni Job.

Noong nasa Ehipto pa ang mga Israelita, ang kamag-anak ni Abraham na si Job ay naninirahan sa lugar na kilala ngayon bilang Arabia. Samantala, nagtipun-tipon ang mga anghel sa harapan ng Diyos, at isa na rito ang rebeldeng si Satanas. Bago ang pagtitipong iyon sa langit, ipinahayag na ni Jehova ang kaniyang pagtitiwala sa kaniyang tapat na lingkod na si Job. Sa katunayan, sinabi ni Jehova na walang ibang taong nakapantay sa katapatan ni Job. Pero iginiit ni Satanas na naglilingkod lang daw si Job sa Diyos dahil sa nakukuha nitong biyaya at proteksiyon. Sinabi rin ni Satanas na kung aalisin kay Job ang lahat ng tinataglay nito, isusumpa nito ang Diyos.

Hinayaan ng Diyos si Satanas na kunin ang lahat kay Job- ang kaniyang kayamanan, mga anak, at kalusugan. Palibhasa’y hindi alam ni Job na si Satanas ang nasa likod ng lahat ng ito, hindi niya maintindihan kung bakit hinayaan ng Diyos na dumanas siya ng ganitong mga pagsubok. Gayunman, hindi pa rin niya itinakwil ang Diyos.

Tatlong naturingang kaibigan ni Job ang lumapit sa kaniya. Sa kanilang pakikipag-usap kay Job na nakasulat sa maraming pahina ng aklat ng Job, isiniksik nila sa isipan niya na pinarurusahan siya ng Diyos dahil may itinatago siyang mga kasalanan. Sianbi pa nga nila na ang Diyos ay hindi natutuwa sa kaniyang mga lingkod ni nagtitiwala man sa mga ito. Hindi pinatulan ni Job ang kanilang maling pangangatuwiran. Buong-pagtitiwalang sinabi ni Job na mananatili siyang tapat hanggang kamatayan!

Pero masyado namang naging mapagmatuwid sa sarili si Job. Nagsalita ngayon ang nakababatang si Elihu, na nakikinig sa kanilang pagtatalo. Itinuwid ni Elihu si Job dahil naging mas importante pa rito ang sariling reputasyon kaysa sa pagbabangong-puri sa soberanya ng Diyos na Jehova. Pero mariin ding sinaway ni Elihu ang mga naturingang kaibigan ni Job.

Ang Diyos na Jehova naman ang nagsalita kay Job, at itinuwid Niya ang pag-iisip nito. Tinulungan ni Jehova si Job na makita ang napakalaking kahigitan ng Diyos sa hamak na tao sa pamamagitan ng pagbanggit sa maraming kamangha-manghang bagay sa paglalang. Mapagpakumbaba namang tinanggap ni Job ang pagtutuwid ng Diyos. Palibhasa’y “napakamagiliw sa pagmamahal at maawain,” ibinalik ni Jehova ang kalusugan ni Job, dinoble ang dati niyang kayamanan, at biniyayaan ng sampung anak. (Santiago 5:11) Dahil nanatiling tapat si Job kay Jehova, matagumpay niyang nasagot ang hamon ni Satanas na hindi raw mananatiling tapat sa Diyos ang mga tao sa ilalim ng pagsubok.
-Batay sa aklat ng Job.

ANG NAPAKAHALAGANG ISYU

Nang igiit ni Satanas na naglilingkod lamang si Job kay Jehova dahil sa mga pakinabang na nakukuha niya, para na rin niyang sinabi na gayundin ang lahat ng iba pang matatalinong nilalang. Sa gayo’y kinuwestiyon ni Satanas ang katapatan ng tao kay Jehova. Ang isyung ito ay bahagi ng napakahalagang isyu na ibinangon ni Satanas sa Eden- kung karapat-dapat bang mamahala si Jehova at kung matuwid ang kaniyang soberanya. Ipinakikita ng aklat ng Job na ang matatalinong nilalang ay may papel sa pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa Kaniya.

7] Iniligtas ng Diyos ang Israel

Nagpasapit si Jehova ng salot sa Ehipto, at inilabas ni Moises ang mga Israelita mula sa lupaing iyon. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ng Diyos ang Kautusan sa Israel

SA LOOB ng maraming taon, ang mga Israelita ay patuloy na umunlad at dumami sa Ehipto. Pero nagkaroon ng isang bagong Paraon. Hindi nito kilala si Jose. Nang mapansin ng malupit na tagapamahalang ito ang patuloy na pagdami ng mga Israelita, ginawa niyang alipin ang mga ito at iniutos niyang lunurin sa Ilog Nilo ang lahat ng kanilang baong-silang na lalaking sanggol. Pero isang ina ang naglakas-loob na iligtas ang kaniyang sanggol. Inilagay niya ito sa iasng basket at itinago sa gitna ng mga tambo sa Ilog Nilo. Nakita ng anak na babae ni Paraon ang sanggol, pinangalanan niya itong Moises, at pinalaki kasama ng mga maharlikang Ehipsiyo.

Si Moises ay 40 taong gulang nang masangkot siya sa gulo dahil sa pagtatanggol sa isang aliping Israelita mula sa isang Ehipsiyong tagapag-utos. Tumakas si Moises at nanirahan na lamang sa isang malayong lupain. Pagtuntong niya nang 80, pinabalik siya ni Jehova sa Ehipto para humarap kay Paraon at hingin ang kalayaan ng bayan ng Diyos.

Ayaw pumayag ni Paraon. Kaya ang Diyos ay nagpasapit ng sampung salot sa Ehipto. Tuwing haharap si Moises kay Paraon para mapapayag ito at maiwasan ang susunod na salot, nagmamatigas si Paraon at binabale-wala si Moises at ang Diyos nitong si Jehova. Nang dakong huli, sa ikasampung salot, pinatay ng anghel ng Diyos ang lahat ng panganay sa lupain- pero hindi ang panganay ng mga pamilyang sumunod kay Jehova at nagpahid ng dugo ng inihaing kordero sa poste ng kanilang pinto. Nilampasan ng anghel ang bahay ng mga pamilyang ito. Ang kamangha-manghang pagliligtas na ito ay ipinagdiwang ng mga Israelita sa pamamagitan ng isang taunang selebrasyon na tinatawag na Paskuwa.

Nang mamatay ang panganay ni Paraon, pinalayas niya si Moises at ang lahat ng Israelita. Dali-dali silang naghanda sa pag-alis. Pero nagbago ng isip si Paraon. Tinipon niya ang kaniyang mga mandirigma at mga karo at hinabol nila ang mga Israelita. Parang sukol na ang mga Israelita sa baybayin ng Dagat na Pula. Pero hinati ni Jehova ang dagat at nakadaan ang mga Israelita sa tuyong lupa sa pagitan ng magkabilang pader ng tubig! Maaabutan na sana sila ng mga Ehipsiyo, pero pinabagsak ng Diyos ang mga pader na tubig at nalunod si Paraon at ang kaniyang hukbo.

Nang maglaon, habang nagkakampo ang mga Israelita sa paanan ng Bundok Sinai, nakipagtipan sa kanila si Jehova. Sa pamamagitan ni Moises, nagbigay ang Diyos ng kautusan sa Israel bilang gabay at proteksiyon sa bawat pitak ng buhay. Hangga’t tapat na nagpapasakop ang Israel sa pamamahala ng Diyos, sasakanila si Jehova at magiging pag-papala sila sa iba.

Pero nakalulungkot, karamihan sa mga Israelita ay kulang ng pananampalataya sa Diyos. Dahil dito, hinayaan sila ni Jehova na magpagala-gala sa ilang sa loob ng 40 taon. Pagkaraan, inatasan ni Moises ang matuwid na si Josue bilang kahalili niya. Sa wakas, handa nang pumasok ang mag Israelita sa lupang ipinangako ng Diyos kay Abraham.
-Batay sa Exodo; Levitico; Bilang; Deuteronomio; Awit 136:10-15; Gawa 7:17-36.

ANG PINAKADAKILANG KAUTUSAN

Ang Sampung Utos na siguro ang pinakapopular sa humigit-kumulang 600 kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Mababasa ito sa Exodo 20:1-17. Pero nang tanungin si Jesu-Kristo kung alin asa mga kautusan ng Diyos ang pinakadakila sa lahat, ito ang pinili niya: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip at nang iyong buong lakas.”-Marcos 12:28-30; Deuteronomio 6:5.

8] Pumasok sa Canaan ang Israel

Sa pangunguna ni Josue, sinakop ng Israel ang Canaan. Binigyan ni Jehova ng kapangyarihan ang mga hukom para iligtas ang kaniyang bayan mula sa pang-aapi

MGA ilang siglo bago pumasok sa Canaan ang Israel, ipinangako ni Jehova na aariin ng mga inapo ni Abraham ang lupaing iyon. Ngayon, sa pangunguna ni Josue, handa nang ariin ng mga Israelita ang Lupang Pangako.

Karapat-dapat sa pagkapuksa ang mga Canaanita, gaya ng inihatol ng Diyos. Ang lupain ay pinuno nila ng nakapandidiring seksuwal na mga gawain, pati na ng karumaldumal na karahasan. Kaya ang mga lunsod ng Canaan na sasakupin ng mga Israelita ay lubusang pupuksain.

Pero bago sila pumasok sa lupain, nagsugo muna si Josue ng dalawang espiya para manmanan ang lunsod ng Jerico. Pinatuloy sila ng babaing si Rahab at itinago sa kaniyang bahay, kahit alam niyang mga Israelita sila. Mula nang mabalitaan ni Rahab ang pagliligtas ni Jehova sa Kaniyang bayan, nanampalataya siya sa Diyos ng Israel. Nakiusap siya sa mga espiya na ipangakong makaliligtas siya at ang kaniyang sambahayan.

Nang makapasok ang mga Israelita sa Canaan at makarating sa Jerico, makahimalang pinabagsak ni Jehova ang mga pader ng lunsod. Sumugod ang hukbo ni Josue at winasak ang lunsod, pero iniligtas nila si Rahab at ang pamilya nito. Sa loob lamang ng anim na taon, nasakop ni Josue ang malaking bahagi ng Lupang Pangako. Pagkataposm ang lupain ay pinarte-parte sa mga tribo ng Israel.

Matagal na naglingkod sa Diyos si Josue at nang malapit na siyang mamatay, ipinatawag niya ang buong bayan. Ipinaalaala niya sa kanila ang naging pakikitungo ni Jehova sa kanilang mga ninuno at pinasigla silang patuloy na maglingkod kay Jehova. Pero pagkamatay ni Josue at ng mga kasama niyang matatandang lalaki, tumalikod ang mga Israelita kay Jehova at sumamba sa mga diyos-diyosan. Sa loob ng mga 300 taon, hindi laging sinusunod ng bayan ang mga kautusan ni Jehova. Noong mga panahong iyon, hinayaan ni Jehova ang Israel na apihin ng mga kaaway nito, gaya ng mga Filisteo. Pero humingi ng tulong kay Jehova ang mga Israelita, kung kaya nag-atas siya ng mga hukom- lahat-lahat ay 12- para iligtas sila.

Ang panahon ng mga Hukom na nakaulat sa aklat ng Mga Hukom ay nagsimula kay Otaniel at nagtapos kay Samson, ang pinakamalakas na taong nabuhay kailanman. Makikita sa kapana-panabik na ulat ng aklat na ito ng Bibliya ang isang simpleng aral: Ang pagsunod kay Jehova ay nagdudulot ng biyaya, samantalang ang pagsuway naman ay kapahamakan.
-Batay sa Josue; Hukom; Levitico 18:24, 25.

9] Humingi ng Hari ang mga Israelita
Naging masuwayin si Saul, ang unang hari ng Israel. Pumalit sa kaniya si Davin, na siyang pinangakuan ng Diyos ng tipan para sa isang walang-hanggang kaharian

PAGKAMATAY ni Samsom, si Samuel ay naglingkod bilang propeta at hukom ng Israel. Lagi na lamang sinasabi ng mga Israelita sa kaniya na gusto nilang magkaroon ng isang hari, tulad ng ibang bansa. Bagaman insult kay Jehova ang kanilang kahilingan, inutusan niya si Samuel na ibigay ang hinihingi nila. Pinili ng Diyos ang mapagpakumbabang lalaking si Saul para maging hari. Pero nang maglaon, lumaki ang ulo ni Haring Saul at naging masuwayin, kaya itinakwil siya ni Jehova bilang hari. Inutusan ni Jehova si Samuel na mag-atas ng kapalit-isang kababatang nagngangalang David. Pero lumipas pa ang maraming taon bago namahala si David bilang hari.

Malamang na binatilyo pa lamang noon si David nang magpunta siya sa kaniyang mga kapatid na kabilang sa hukbo ni Saul. Nanginginig sa takot ang buong hukbo dahil sa higanteng si Goliat, isang mandirigmang patuloy na tumutuya sa kanila at sa kanilang Diyos. Galit nag alit si David sa panlalait ng higante, kaya tinanggap niya ang hamong makipaglaban dito. Dala ang isang panghilagpos at ilang bato bilang armas, hinarap ng binatilyo ang kaniyang kalaban, na ang taas ay mahigit siyam na piye. Nang laitin ni Goliat si David, sumagot si David at nagsabing mas malakas ang armas niya dahil pangalan ng Diyos na Jehova ang dala niya! Pinabagsak ni David si Goliat sa pamamagitan lamang ng isang bato at pinugutan ito ng ulo gamit ang mismong tabak ng higante. Nagtakbuhan sa takot ang mga Filisteo.

Noong una, hanga si Saul sa katapangan ni David, kaya inatasan niya ang binatang ito na maging lider ng kaniyang hukbo. Pero nainggit nang husto si Saul sa mga tagumpay ni David. Kinailangan ni David na tumakas at magtago sa loob ng maraming taon gayunman, nanatili pa ring tapat si David sa haring nagtatangkang pumatay sa kaniya, dahil alam niyang si Haring Saul ay hinirang ng Diyos na Jehova. Nang dakong huli, namatay si Saul sa isang digmaan. Di-nagtagal, si David ay naupo bilang hari, gaya ng ipinangako ni Jehova.

Bilang hari, gustong-gusto ni David na magtayo ng templo para kay Jehova. Gayunman, sinabi ni Jehova kay David na isa sa mga anak niya ang magtatayo niyaon, at ito nga ay si Solomon. Pero ginantimpalaan ng Diyos si David sa pamamagitan ng isang kapana-panabik na tipan: Ang kaniyang angkan ang pagmumulan ng nagtatanging dinastiya ng mga hari. Sa dinastiya namang iyon magmumula ang Tagapagligtas, o Binhi, na ipinangako noon sa Eden. Ang isang ito ang magiging Mesiyas, na nangangahulugang “Pinahiran” ng Diyos. Nangako si Jehova na ang Mesiyas ang magiging Tagapamahala ng isang gobyerno, o Kaharian, na mananatili magpakailanman.

Bilang pasasalamat, nagtipon si David ng napakaraming materyales at mamahaling metal, gaya ng ginto at pilak, para sa pagtatayo ng templo. Napakilos din siya ng espiritu ng Diyos na kumatha ng maraming awit. Nang matanda na si David, sinabi niya: “Ang espiritu ni Jehova ang nagsasalita sa pamamagitan ko, at ang kaniyang salita ay nasa aking dila.”-2 Samuel 23:2.
-Batay sa 1 at 2 Samuel; 1 Cronica; Isaias 9:7; Mateo 21:9; Lucas 1:32; Juan 7:42.

“Itatatag ko nga nang matibay ang trono ng kaniyang kaharian hanggang sa panahong walang takda.”-2 Samuel 7:13

10] Isang Matalinong Hari

Binigyan ni Jehova si Haring Solomon ng isang pusong may karunungan; ang panahon ng paghahari ni Solomon ang pinakamasagana at pinakamapayapang yugto sa kasaysayan ng sinaunang Israel

ANO kaya ang magiging kalagayan kung ang buong bansa at ang tagapamahala nito ay nagpapasakop sa soberanya ni Jehova at sumusunod sa Kaniyang mga kautusan? Ang sagot ay makikita sa pamamahala ni Haring Solomon sa loob ng 40 taon.

Bago mamatay si David, inatasan niya ang kaniyang anak na si Solomon bilang kaniyang kahalili. Sa isang panaginip, tinanong ng Diyos si Solomon kung ano ang kahilingan nito. Humiling si Solomon ng karunungan at kaalaman para makapamahala sa bayan nang may katalinuhan at katarungan. Natuwa si Jehova sa kahilingan ni Solomon kaya binigyan niya ito ng pusong may karunungan at kaunawaan. Nangako rin si Jehova na bibigyan siya ng kayamanan, kaluwalhatian, at mahabang buhay kung mananatili siyang masunurin.

Nakilala si Solomon dahil sa kaniyang karunungan sa paghatol. Sa isang kasong idinulog sa kaniya, isang sanggol na lalaki ang pinag-aawayan ng dalawang babae. Pareho nilang inaangkin na sila ang ina nito. Kaya iniutos ni Solomon na hatiin ang sanggol at bigyan ng tig-kalahati ang dalawang babae. Pumayag ang unang babae, pero agad na nag-makaawa ang tunay na ina at sinabing ibigay na lamang sa unang babae ang sanggol. Alam na ngayon ni Solomon na ang nagmamakaawang babae ang tunay na ina, kaya dito niya ibinigay ang sanggol. Napabalita agad sa buong Israel ang hatol na ito, at napatunayan nilang galing sa Diyos ang karunungan ni Solomon. Totoo iyan dahil si Lester na ang naturuan ng mensahe ay naging matalinong mag-isip at namulat sa mundo.

Ang isa sa pinakadakilang nagawa ni Solomon ay ang pagtatayo ng templo ni Jehova- isang kamangha-manghang gusali sa Jerusalem na nagsilbing sentro ng apgsamba sa Israel. Noong pasinayaan ang templo, nanalangin si SolomonL “Narito! Sa mga langit, oo, sa langit ng mga langit, ay hindi ka magkasya; gaano pa kaya sa bahay na ito na aking itinayo!”-1 Hari 8:27.

Nakilala si Solomon hanggang sa malalayong lupain, gaya ng Sheba sa Arabia. Pinuntahan pa nga ng reyna ng Sheba si Solomon upang makita mismo ang kaluwalhatian at kayamanan ng hari at para mapatunayan kung gaano talaga ito karunong. Hangang-hanga ang reyna sa karunungan ni Solomon at sa kasaganaan ng Israel, anupat pinapurihan ng reyna si Jehova dahil sa paghirang sa gayong matalinong hari. Sa katunayan, dahil sa pagpapala ni Jehova, ang panahon ng pamamahala ni Solomon ang pinakamasagana at pinakamapayapang yugto sa kasaysayan ng sinaunang Israel.

Nakalulungkot, hindi nagpatuloy si Solomon sa pagkilos na kaayon ng karunungan ni Jehova. Nilabag niya ang utos ng Diyos at nag-asawa siya ng daan-daang babae, na marami ay sumasamba sa mga diyos-diyosan. Dahil sa impluwensiya ng kaniyang mga asawa, unti-unting lumayo ang kaniyang pus okay Jehova at sumamba siya sa mga diyos-diyosan. Sinabi ni Jehova kay Solomon na aalisin sa kaniya ang malaking bahagi ng kaharian. Sinabi ng Diyos na may matitira pa ring maliit na bahagi sa pamilya ni Solomon, alang-alang sa pangako Niya sa ama nitong si David. Bagaman hindi nanatiling tapat si Solomon sa Diyos, nanatili pa ring tapat si Jehova sa Kaniyang tipan kay David para sa isang kaharian.-Batay sa 1 Hari, kabanata 1 hanggang 11; 2 Cronica, kabanata 1 hanggang 9; Deuteronomio 17:17.

11] Mga Awit na Nakaaaliw at Nakapagtuturo

Si David, bukod pa sa iba pa, ay kumatha ng mga awitin para sa pagsamba. Mababasa sa aklat ng Mga Awit ang 150 sa mga ito

ANG pinakamalaking aklat sa Bibliya ay binubuo ng mga tinipong awit para sa pagsamba, mga awiting kinatha sa loob ng mga 1,000 taon. Ang aklat ng Mga Awit ay naglalaman ng ilan sa makabagbag-damdamin at taos-pusong kapahayagan ng pananampalataya na napasulat kailanman. Naglalarawan ito ng iba’t ibang emosyon ng tao gaya ng kagalakan, pagpuro,at pasasalamat, gayundin ng pag-dadalamhati, kalungkutan, at pagsisisi. Maliwanag na naipakita ng mga salmistang ito na sila’y malapit sa Diyos at nagtitiwala sa kaniya. Tingnan natin ang ilan sa tema ng mga awiting ito.

Si Jehova lamang ang tanging Soberano at karapat-dapat sambahin at purihin. “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa,” ang mababasa natin sa Awit 83:18. Marami sa mga awiting ito ang pumupuri kay Jehova dahil sa kaniyang paglalang, gaya ng kalangitang namumutiktik sa bituin, ng kamangha-manghang mga nilalang na may buhay, at ng kahanga-hangang pagkakagawa sa katawan ng tao. (Awit 8, 19, 139, 148) Ang iba naman ay lumuluwalhati kay Jehova bilang ang Diyos na nagliligtas at nag-iingat sa mga tapat sa kaniya.(Awit 18, 97, 138) Ang iba pa ay dumadakila sa kaniya bilang ang Diyos ng katarungan, na umaaliw sa mga naaapi at nagpaparusa naman sa masasama.-Awit 11,68, 146.

Tinutulungan at inaaliw ni Jehova ang mga umiibig sa kaniya. Marahil ang pinakapopular sa mga awiting ito ay ang ika-23 Awit, kung saan inilalarawan ni David si Jehova bilang maibiging Pastol na gumagabay, nagsasanggalang, at nangangalaga sa kaniyang mga tupa. Ipinaaalaala ng Awit 65:2 sa mga mananamba ng Diyos na si Jehova ay “Dumirinig ng panalangin.” Malaking kaaliwan para sa maraming nakagagawa ng malulubhang kasalanan Awit 39 at 51, kung saan taos-pusong sinambit ni David ang kaniyang pagsisisi sa nagawa niyang malulubhang pag-kakamali at nagpahayag ng pagtitiwalang patatawarin siya ni Jehova. Pinapayuhan tayo ng Awit 55:22 na magtiwala kay Jehova at ibigay sa Kaniya ang lahat ng ating pasanin o problema.

Babaguhin ni Jehova ang daigdig sa pamamagitan ng Kaharian ng Mesiyas. Maraming teksto sa Awit ang maliwanag na tumutuko sa gagawin ng Mesiyas, ang inihulang Hari. Inihula sa Awit 2 na pupuksain ng Tagapamahalang ito ang mga bansang lumalaban sa kaniya. Isinisiwalat ng Awit 72 na wawakasan ng Haring ito ang taggutom, kawalang-katarungan, at pang-aapi. Sinasabi ng Awit 46:9 na sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian, wawakasan ng Diyos ang digmaan at wawasakin niya maging ang lahat ng sandatang pandigma. Sa Awit 37, mababasa natin na mawawala na ang masasama, pero ang mga matuwid ay maninirahan sa lupa magpakailanman nang may kapayapaan at pagkakaisa.-Batay sa aklat ng Mga Awit.

ANG AWIT NG MGA AWIT

Sa Awit ni Solomon, napatunayan ng hari na hindi nabibili ang pag-ibig. Isinalaysay niya ang kaniyang mga pagsisikap na mapaibig ang isang magandang dalaga na ang puso ay pag-aari na ng isang binatang pastol. Ipinakikita ng awiting ito na magagawa ng dalawang pusong tunay na nagmamahalan na pigilin ang simbuyo ng kanilang damdamin at manatiling malinis sa moral. Kapuri-puri ang magkasintahang ito dahil sa kanilang pagpipigil sa sarili, kalinisan sa moral, at katapatan.

12] Praktikal na Karunungan Mula sa Diyos

Ang aklat ng Kawikaan ay isang koleksiyon ng praktikal na mga payo mula sa Diyos- karamihan ay isinulat ni Solomon

ISA bang marunong na tagapamahala si Jehova? Makikita ang sagot sa mga payo na ibinibigay niya. Mabisa ba ang mga ito? Nagiging mas maayos ba at makabuluhan ang buhay kapag sinusunod ang mga ito? Ang marunong na si Haring Solomon ay sumulat ng daan-daang kawikaan may kinalaman sa bawat pitak ng buhay. Tingnan natin ang ilang halimbawa.

Pagtitiwala sa Diyos. Napakahalaga ng pagtitiwala para magkaroon ng mabuting kaugnayan kay Jehova. Sumulat si Solomon: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kawikaan 3:5, 6) Kapag nagtitiwala ang isa sa Diyos sa pamamagitan ng paghingi ng Kaniyang patnubay at pagsunod sa mga ito, nagiging tunay na makabuluhan ang buhay. Sa paggawa nito, napapasaya ng tao ang puso ng Diyos at nasasagot ni Jehova ang mga isyung ibinangon ng Kaniyang kaaway, si Satanas.- Kawikaan 27:11.

Pakikitungo sa iba. Tamang-tama sa ngayon ang payo ng Diyos para sa mga asawang lalaki, asawang babae, at mga anak. “Magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan,” ang payo ng Diyos sa asawang lalaki, na nangangahulugang dapat siyang manatiling tapat sa kaniyang asawa. (Kawikaan 5:18-20) Sa aklat ng Kawikaan, mababasa ng mga babaing may asawa ang napakagandang paglalarawan tungkol sa isang may-kakayahang asawang babae na pinupuri ng kaniyang asawa at mga anak. (Kawikaan, kabanata 31) At mababasa naman ng mga anak ang tagubilin na maging masunurin sa kanilang mga magulang. (Kawikaan 6:20) Ipinakikita rin ng aklat na ito na mahalaga ang pagkakaibigan, dahil ang isa na bumubukod ay nagiging makasarili. (Kawikaan 18:1) Posible tayong maimpluwensiyahan n gating mga kaibigan na maging masama o mabuti, kaya dapat tayong maging marunong sa pagpili ng mga kaibigan.-Kawikaan 13:20; 17:17.

Pakikitungo sa sarili. Maraming mahahalagang payo sa aklat ng Kawikaan. Nariyan ang tungkol sa pagiging masipag, pag-iwas sa paglalasing, at ang tungkol sa mga saloobing dapat linangin o iwasan para magkaroon ng mabuting kalusugan. (Kawikaan 6:6; 14:30; 20:1) Nagbababala ito na ang pagtitiwala sa sariling pasiya, sa halip na sa payo ng Diyos, ay hahantong sa kapahamakan. (Kawikaan 14:12) Pinapayuhan din tayo nito na ingatan ang puso mula sa masasamang impluwensiya, dahil sa puso “nagmumula . . . ang mga bukal ng buhay.”-Kawikaan 4:23.

Napatunayan ng milyun-milyong tao sa daigdig na nagiging mas makabuluhan ang buhay kapag sinusunod ang gayong mga payo. Kaya may matibay silang dahilan para tanggapin si Jehova bilang kanilang Tagapamahala.-Batay sa aklat ng Kawikaan.

ECLESIASTES

Ano kaya ang susi ng pagiging kontento at pagkakaroon ng makabuluhang buhay? Nasa posisyon ni Solomon para masagot iyan. Palibhasa’y nasa kaniya nang lahat ang yaman, talino, at kapangyarihan, mapatutunayan niya kung nakadepende nga rito ang tunay na kaligayahan. Nagpakasasa siya sa material na mga bagay, nakapag-asawa ng maraming magagandang babae, at nakasubok ng iba’t-ibang libingan. Nagpatayo siya ng malalaki at magagandang gusali. Napag-aralan niya ang mga akda ng iba’t ibang iskolar. Ano ang napatunayan niya? “Ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan.” Kaya ano ang konklusyon niya? “Ang katapusan ng bagay, matapos marinig ang lahat, ay: Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mg autos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”-Eclesiastes 12:8, 13.

13] Mabubuting Hari at Masasamang Hari

Nahati ang Israel. Sa paglipas ng panahon, maraming hari ang namahala sa mga Israelita, at karamihan sa mga ito ay di-tapat. Winasak ng Babilonya ang Jerusalem.

GAYA ng inihula ni Jehova, nahati ang Israel matapos talikuran ni Solomon ang dalisay na pagsamba. Malupit ang anak niyang humalili sa kaniya, si Rehoboam. Dahil dito, nagrebelde ang mga sampu sa mga tribo ni Israel, na siyang naging hilagang kaharian. Ang dalawang tribo naman, na maging timugang kaharian ng Juda, ay nanatiling tapat sa haring nakaupo sa trono ni David sa Jerusalem.

Puno ng kaguluhan ang dalawang kahariang ito dahil na rin sa kagagawan ng walang-pananampalataya at masuwaying mga hari nito. Mas malala ang kalagayan sa hilagang kaharian dahil mula’t sapol, huwad na pagsamba na ang itinataguyod ng mga hari nito. Sa kabila ng makapangyarihang mga gawa ng mga propetang gaya nina Elias at Eliseo- na pareho pa ngang bumuhay ng patay- paulit-ulit pa rin ang hilagang kaharian sa paggawa ng masama. Nang dakong huli, pinahintulutan ng Diyos na was akin ng Asirya ang hilagang kaharian.

Mas nagtagal nang mahigit-higit isang siglo ang timugang kaharian ng Juda kaysa sa hilagang kaharian, pero pinarusahan din ito ng Diyos. Iilan lamang sa mga naging hari ng Juda ang nakinig sa babala ng mga propeta ng Diyos at nagsikap na akayin ang bansa pabalik kay Jehova. Halimbawa, nilis ni Haring Josias ang Juda mula sa huwad na pagsamba at inayos ang nasirang templo ni Jehova. Nang makita at mabasa ang nawawalang orihinal na kopya ng Kautusan ng Diyos na ibinigay kay Moises, nabagabag si Josias. Kaya naman lalo niyang sinikap na linisin ang tunay na pag-samba.

Pero nakalulungkot, hindi tinularan ng mga haring humalili kay Josias ang kaniyang magandang halimbawa. Dahil dito, hinayaan ni Jehova na lupigin ng Babilonya ang Juda at was akin ang Jerusalem pati na ang templo nito. Dinala namang bihag sa Babilonya ang natirang buhay. Inihula ng Diyos na 70 taon silang magiging bihag. Naging ilang ang Juda sa loob ng panahong iyon- hanggang sa makabalik ang mga Judio sa kanilang sariling lupain, gaya ng ipinangako.

Mula nang mawasak ang Jerusalem, wala nang naghari mula sa angkan ni David- hanggang sa dumating ang ipinangakong Tagapagligtasm ang inihulang Mesiyas. Batay sa naging pamamahala ng karamihan sa mga haring umupo sa trono ni David sa Jerusalem, napatunayang hindi kuwalipikadong mamahala ang mga taong di-sakdal. Talagang ang Mesiyas lamang ang kuwalipikadong mamahala. Kaya naman sinabi ni Jehova sa pinakahuling naghari mula sa angkan ni David: “Alisin mo ang korona . . . Hindi nga iyon aariin ninuman hanggang sa dumating siya na may legal na karapatan, at ibibigay ko iyon sa kaniya.”-Ezekiel 21:26, 27.
-Batay sa 1 at 2 Hari; 2 Cronica kabanata 10 hanggang 36; Jeremias 25:8-11.

JONAS

Noong panahong mahati ang kaharian, inatasan ng Diyos si Jonas na pumunta at babalaan ang mga tao sa malayong lunsod ng Nineve na puno ng karahasan. Sa halip na pumunta sa Nineve, sumakay ng barko si Jonas patungo sa kabilang direksiyon. Isang himala mula kay Jehova ang naganap- nilunok ng pagkalaki-laking isda si Jonas. Sa loob ng tiyan ng isda, nanalangin si Jonas kay Jehova, at iniluwa siya ng isda sa tuyong lupa. Pagkaluwa sa kaniya tumuloy siya sa Nineve para isagawa ang iniatas sa kaniya.

Tinuruan ng Diyos si Jonas ng isang leksiyon tungkol sa pagsunod. Pero may isa pang problema: Bagaman nangaral si Jonas sa mga taga-Nineve, inis na inis siya nang kaawaan ng Diyos ang mga ito at iurong nag parusa dahil sa kanilang pagsisisi. Basahin ang napakagandang aklat na ito at tingnan kung ano ang ikalawang himala na ginamit ng Diyos para turuan si Jonas na maging maawain.

14] Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng mga Propeta

Nag-atas si Jehova ng mga propeta para magdala ng mga mensaheng may kinalaman sa paghatol, dalisay na pagsamba, at sa pagdating ng Mesiyas

NOONG panahon ng mga hari ng Israel at Juda, isang natatanging grupo ng mga lalaki ang nagdala ng mensahe ng Diyos- ang mga propeta. Sila’y mga lalaking may pambihirang pananampalataya at lakas ng loob. Tingnan natin ang apat na mahahalagang tema na unti-unting nabuo sa pamamagitan ng mga propeta ng Diyos.

1. Pagkawasak ng Jerusalem. Matagal pa bago mawasak at maging ilang ang Jerusalem, nagbababala na ang mga propeta ng Diyos- partikular na sina Isaias at Jeremias- tungkol sa mangyayaring ito. Malinaw nilang nailarawan kung bakit nagalit sa lunsod ang Diyos. Inaangkin ng mga tagaroon na sinasamba nila si Jehova, pero nagsasagawa naman sila ng katiwalian, karahasan, at mga relihiyosong kaugalian na kinasusuklaman ng Diyos.- 2 Hari 21:10-15; Isaias 3:1-8, 16-26; Jeremias 2:1-3:13.

2.Pagsasauli ng dalisay na pagsamba. Makakalaya ang bayan ng Diyos matapos ang 70-taong pagkabihag sa Babilonya. Babalik sila sa Jerusalem at itatayong muli ang templo ni Jehova.(Jeremias 46:27; Amos 9:13-15) Mga 200 taon bago nito, inihula ni Isaias ang pangalan ng manlulupig- si Ciro- na siyang magpapabagsak sa Babilonya at magpapahintulot sa bayan ng Diyos na isauli ang dalisay na pagsamba. Dinetalye pa nga ni Isaias ang kakaibang estratehiya na gagamitin ni Ciro.-Isaias 44:24-45:3.

3. Pagdating ng Mesiyas at ang magiging buhay niya sa lupa. Isisilang ang Mesiyas sa bayan ng Betlehem. (Mikas 5:2) Magiging mapagpakumbaba siya, anupat darating sa Jerusalem sakay ng isang asno. (Zacarias 9:9) Bagaman mahinahon at mabait, marami ang maiinis at hindi tatanggap sa kaniya. (Isaias 42:1-3. 53:1, 3) Daranas siya ng malupit na kamatayan. Iyon kaya ang magiging katapusan ng Mesiyas? Hindi, dahil ang kaniyang kamatayan ay mangangahulugan ng kapatawaran ng kasalanan para sa marami. (Isaias 53:4, 5, 9-12) At maisasakatuparan lamang iyan sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kaniya.

4.Pamamahala ng Mesiyas. Ang mga taong di-sakdal ay talagang walang kakayahang mamahala sa kanilang sarili nang may kapayapaan, pero ang Mesiyanikong Hari ay tatawaging Prinsipe ng Kapayapaan. (Isaias 9:6, 7; Jeremias 10:23) Sa ilalim ng kaniyang pamamahala, magkakaroon ng kapayapaan sa gitna ng mga tao at magiging maamo ang lahat ng hayop. (Isaias 11:3-7) Mawawala na ang sakit. (Isaias 33:24) Wala na ring mamamatay. (Isaias 25:8) Sa panahon ng pamamahala ng Mesiyas, ang mga patay ay bubuhaying muli sa lupa.-Daniel 12:13. –Batay sa mga aklat ng Isaias, Jeremias,Daniel, Amos, Mikas, at Zacarias.

15] Nasulyapan ng Isang Bihag na Propeta ang Mangyayari sa Hinaharap

Humula si Daniel tungkol sa Kaharian ng Diyos sa pagdating ng Mesiyas. Bumagsak ang Babilonya

Si Daniel, isang kabataang kahanga-hanga ang katapatan, ay dinalang bihag sa Babilonya bago mawasak ang Jerusalem. Siya at ang ilang Judio- mga bihag mula sa nalupig na kaharian ng Juda- mga bihag mula sa nalupig na kaharian ng Juda- ay binigyan ng kaunting kalayaan ng mga bumihag sa kanila. Sa matagal niyang pamamalagi sa Babilonya, tumanggap si Daniel ng malaking pagpapala mula sa Diyos, anupat nakaligtas sa yungib ng mga leon at nasulyapan pa nga ang mangyayari sa hinaharap. Ang pinakamahahalagang hula ni Daniel ay nakatuan sa Mesiyas at sa Kaniyang pamamahala.

Nalaman ni Daniel kung kailan darating ang Mesiyas. Sinabi kay Daniel kung kailan dapat asahan ang bayan ng Diyos ang pagdating ng “Mesiyas na Lider”- 69 na sanlinggo ng mga taon matapos iutos ang pagsasauli at pagtatayong-muli ng mga pader ng Jerusalem. Ang isang literal na sanlinggo ay binubuo ng pitong araw; ang isang sanlinggo ng mga taon ay binubuo ng pitong taon. Ibinigay ang utos na iyon matagal pa matapos ang panahon ni Daniel, samakatuwid nga, noong 455 B.C.E., ang 69 “sanlinggo” ay inabot ng 483 taon at nagtapos noong taong 29 C.E. Sa susunod na bahagi ng publikasyong ito, makikita natin kung ano ang nangyari noong taong iyon. Nakita rin ni Daniel sa pangitain na ang Mesiyas ay “kikitlin,” o papatayin, bilang pagbabayad-sala sa kasalanan.-Daniel 9:24-26.

Magiging Hari sa langit ang Mesiyas. S aisang pambihirang pangitain, nakita ni Daniel ang mismong langit at ang paglapit ng Mesiyas, na tinutukoy bilang “isang gaya ng anak ng tao.,” sa trono ni Jehova. Binigyan siya ni Jehova ng “pamamahala at dangal at kahairan.” Ang Kahariang iyan ay mananatili magpakailanman. Isa pang kapana-panabik na detalye ang nalaman ni Daniel tungkol sa Mesiyanikong Kaharian- may makakasamang tagapamahala ang Hari, isang grupo na tinutukoy bilang “mga banal ng Kadaki-dakilaan.”-Daniel 7:13, 14, 27.

Lilipulin ng Kaharian ang mga pamahalaan sa daigdig na ito. Binigyan ng Diyos si Daniel ng kakayahang maipaliwanag ang nakalilitong panaginip ni Nabucodonosor, ang hari ng Babilonya. Nakakita ang hari ng isang higanteng imahen na ang ulo ay ginto, ang dibdib at mga bisig ay pilak, ang tiyan at mga hita ay tanso, ang mga binhi ay bakal, at ang mga paa ay magkahalong bakal at putik. Isang batong natibag mula sa isang bundok ang tumama sa marurupok na paa ng imahen at nagkadurug-durog ito. Ipinaliwanag ni Daniel na ang mga bahagi ng katawan ng imahen ay lumalarawan sa mag-kakasunod na kapangyarihang pandaigdig, na nagsimula sa Babilonya bilang ulong ginto. Nakita ni Daniel sa pangitain na kikilos ang Kaharian ng Diyos sa panahong namamahala ang pinakahuling kapangyarihan ng masamang daigdig na ito. Dudurugin nito ang lahat ng pamahalaan sa daigdig. Pagkatapos, mamamahala ang Kaharian ng Diyos magpakailanman.-Daniel, kabanata 2.

Nasaksihan ng napakatanda nang si Daniel ang pagbagsak ng Babilonya. Bumagsak ang lunsod sa kamay ni Haring Ciro, gaya ng inihula ng mga propeta. Di-nagtagal, sa wakas ay pinalaya rin ang mga Judio mula sa pagkabihag-pagkatapos mismo ng inihulang 70-taong pagiging ilang na kanilang lupain. Sa pangangasiwa ng tapat na mga gobernador, saserdote, at mga propeta, nang maglaon ay naitayong-muli ng mga Judio ang Jerusalem at ang templo ni Jehova. Pero ano kaya ang mangyayari sa pagtatapos ng 483 taon?- Batay sa aklat ng Daniel.

16] Dumating ang Mesiyas

Ipinakilala ni Jehova si Jesus ng Nazaret bilang ang pinakahihintay na Mesiyas

TUTULUNGAN kaya ni Jehova ang mga tao na makilala ang ipinangakong Mesiyas? Oo. Tingnan natin kung ano ang ginawa ng Diyos. Mga apat na siglo na ang nakalilipas mula nang makumpleto ang pagsulat sa Hebreong Kasulatan. Sa lunsod ng Nazaret, sa hilagang rehiyon ng Galilea, nasorpresa ang dalagang si Maria nang magpakita sa kaniya ang isang anghel, si Gabriel. Sianbi nito sa kaniya na sa pamamagitan ng aktibong puwersa, o banal na espiritu ng Diyos, siya ay magdadalang tao at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, bagaman isa siyang birhen. Ang sanggol na ito ang pinakahihintay na Hari, ang isa na mamamahala magpakailanman! Ang batang ito ang mismong Anak ng Diyos, na ililipat Niya mula sa langit patungo sa sinapupunan ni Maria.

Mapagpakumbabang tinanggap ni Maria ang napakalaking karangalang ito. Pinakasalan siya ni Jose, ang kaniyang kasintahang karpintero, matapos isugo ng Diyos ang isang anghel para ipaliwanag dito kung bakit nagdadalang-tao si Maria. Pero papaano matutupad ang hula na sa Betlehem isisilang ang Mesiyas? (Mikas 5:2) Aba, mga 140 kilometro rin ang layo ng maliit na bayang iyon mula sa Nazaret!

Nag-utos ang isang tagapamahalang Romano na kunin ang sensus ng populasyon. Kaya ang mga tao ay pinabalik sa sarili nilang bayan para magparehistro. Lumilitaw na taga-Betlehem ang pamilya nina Jose ang kaniyang asawang kabuwanan na. (Lucas 2:3) Nanganak si Maria sa isang kuwadra, at inihiga ang sanggol sa isang sabsaban. Pagkatapos, samantalang nasa burol ang isang grupo ng mga pastol, isang anghel ang isinugo ng Diyos para ipaalam sa mga ito na ang bagong-silang na sanggol ay ang ipinangakong Mesiyas, o Kristo.

Nang maglaon, may iba pang nagpatunay na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Inihula ng propetang si Isaias na may isang lalaking maghahanda ng daan para sa napakahalagang gawain ng Mesiyas.(Isaias 40:3) Ang lalaking iyon ay si Juan Bautista. Nang makita niya si Jesus, sumigaw siya: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos na nag-alis ng kasalanan ng sanlibutan!” Ang ilan sa mga alagad ni Juan ay agad na sumunod kay Jesus. Sinabi ng isa sa kanila: “Nasumpungan na naming ang Mesiyas.”-Juan 1:29, 36, 41.

May iba pang mga katibayan. Nang bautismuhan ni Juan si Jesus, si Jehova mismo ay nagsalita mula sa langit. Sa pamamagitan ng banal na espiritu, pinahiran niya si Jesus bilang ang Mesiyas at sinabi: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:16, 17) Dumating na ang pinakahihintay na Mesiyas!

Kailan ito nangyari? Noong 29 C.E., sa mismong pagtatapos ng 483 taon na inihula ni Daniel. Oo, isa ito sa napakaraming katibayan na si Jesus nga ang Mesiyas, o Kristo. Pero ano ba ang mensaheng inihayag ni Jesus noong siya’y nasa lupa?-Batay sa Mateo kabanata 1 hanggang 3; Marcos kabanata 1; Lucas kabanata 2; Juan kabanata 1.

ANAK NG DIYOS?

Si Jesus ay Anak ng Diyos. Pero hindi siya nabuo mula sa pagtatalik- nilalang siya ni Jehova. Sa katunayan, siya ang kauna-unahang nilalang ni Jehova.(Colosas 1:15-17) Yamang si Jehova ang nagbigay ng buhay kay Jesus sa pamamagitan ng paglalang sa kaniya, masasabing Siya ang Ama ni Jesus. Matapos lalangin ni Jehova ang espiritung Anak na ito, ginamit siya ni Jehova bilang “isang dalubhasang manggagawa” upang lalangin ang lahat ng iba pang bagay, pati na ang uniberso.-Kawikaan 8:30.

17] Nagturo si Jesus Tungkol sa Kaharian ng Diyos

Maraming itinuro si Jesus sa kaniyang mga alagad,pero isang paksa ang idiniin niya- ang Kaharian ng Diyos

ANO ba ang naging misyon ni Jesus sa lupa? Sinabi niya mismo: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Lucas 4:34) Tingnan natin ang apat na bagay na itinuro ni Jesus tungkol sa Kaharian, ang pangunahing paksa ng kaniyang pangangaral.

1.Si Jesus ang itinalagang Hari. Tuwirang sinabi ni Jesus na siya ang ipinangakong Mesiyas. (Juan 4:25, 26) Ipinakita rin niyang siya ang Haring nakita ni propeta Daniel sa pangitain. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol na balang-araw, siya ay uupo sa “maluwalhating trono” at na sila man ay uupo rin sa mga trono.(Mateo 19:28) Tinukoy niya ang grupong ito ng mga tagapamahala bilang kaniyang “munting kawan,” at sinabi rin niyang mayroon siyang “ibang mga tupa” na hindi bahagi ng grupong iyon.-Lucas 12:32; Juan 10:16.

2.Magtataguyod ng tunay na katarungan ang Kaharian ng Diyos. Ipinahiwatig ni Jesus na aalisin ng Kaharian ang pinakagrabeng kawalang-katarungan na ginawa ni Satanas-ang paglapastangan sa pangalan ng Diyos na Jehova. Pababanalin ng Kaharian ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng paglilinis dito mula sa lahat ng paninirang ginawa ni Satanas mula pa noong magrebelde sina Adan at Eva. (Mateo 6:9, 10) Ipinakita ni Jesus na pantay-pantay ang tingin niya sa mga tao, anupat tinuturuan niya ang lahat- lalaki man o babae, mayaman man o mahirap. Bagaman ang pangunahing misyon niya ay ang magturo sa mga Israelita, sinikap din niyang tulungan ang mga Samaritano at mga Gentil, o mga di-Judio. Di-gaya ng mga lider ng relihiyon noong panahon niya, hindi siya kumampi ni nagpakita man ng paboritismo kaninuman.

3.Hindi magiging bahagi ng sanlibutan ang Kaharian ng Diyos. Si Jesus ay nabuhay sa panahon ng malaking kaguluhan sa pulitika. Ang kaniyang bayang sinilangan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng ibang bansa. Gayunman, nang tangkain ng mga tao na isangkot siya sa pulitika, umiwas siya. (Juan 6:14, 15) Sinabi niya sa isang pulitiko: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Sa kaniyang mga tagasunod naman ay sinabi niya: “Hindi kayo bahagi ng sanlibutan.”(Juan 15:19) Hindi niya sila pinayagang gumamit ng mga sandatang pandigma, kahit na para ipagtanggol siya.-Mateo 26:51, 52.

4.Ang pamamahala ni Kristo ay nakasalig sa pag-ibig. Ipinangako ni Jesus na pagiginhawahin niya ang mga tao at pagagaanin ang kanilang mga pasanin. (Mateo 11:28-30) Tinupad niya ang kaniyang sinabi. Nagbigay siya ng maibigin at praktikal na mga payo para maharap ang kabalisahan, mapabuti ang mga ugnayan, malabanan ang materyalismo, at maging maligaya. (Mateo, kabanata 5-7) Dahil maibigin siya, madali siyang lapitan. Naging malapit sa kaniya ang mga tao dahil alam nilang anuman ang kanilang kalagayan sa buhay, pakikitunguhan niya sila nang may kabaitan at dangal. Kitang-kita na magigign isang napakabuting Tagapamahala si Jesus!

Isa pang napakabisang paraan ang ginamit ni Jesus sa kaniyang pagtuturo tungkol sa Kaharian ng Diyos. Gumawa siya ng maraming himala. Bakit? Tingnan natin.-Batay sa mga aklat ng Mateo, Marcos, Lucas, at Juan.

“Naglakbay siya . . . sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.”-Lucas 8:1

18] Gumawa si Jesus ng mga Himala

Ipinakikita ni Jesus, sa pamamagitan ng kaniyang mga himala, kung paano niya gagamitin ang kaniyang kapangyarihan bilang Hari

BINIGYAN ng Diyos si Jesus ng kapangyarihang gumawa ng mga bagay na hindi kayang gawin ng ibang tao. Gumawa si Jesus ng napakaraming himala- karaniwan nang sa harap ng maraming saksi. Ipinakikita ng mga himalang iyon na kayang daigin ni Jesus ang mga kaaway at mapagtagumpayan ang mga problemang matagal nang nagpapahirap sa di-sakdal na mga tao. Tingnan natin ang ilang halimbawa.

Kakapusan sa pagkain. Sa dalawang pagkakataon, nagpakain si Jesus ng libu-libong tao sa pamamagitan lamang ng ilang tinapay at isa. At sobra-sobra pa nga ang pagkain.

Sakit. Pinagaling ni Jesus ang “bawat uri ng karamdaman at bawat uri ng kapansanan.” (Mateo 4:23) Nagpagaling siya ng mga bulag, bingi, pilay, lumpo, baldado, epileptiko, at ketongin. Walang sakit na hindi niya kayang pagalingin.

Masamang lagay ng panahon. Noong maglayag si Jesus at ang kaniyang mg alagad sa Dagat ng Galilea, isang napakalakas na buhawi ang humagupit sa kanila. Takot na takot ang mga alagad. Pero tiningnan lang ni Jesus ang buhawi at sinabi: “Tigil! Tumahimik ka!” Pagkasabi nito, kumalma ang lagay ng panahon.(Marcos 4:37-39) Sa isa namang pagkakataon, lumakad siya sa ibabaw ng tubig sa gitna ng malakas na bagyo.-Mateo 14:24-33.

Masasamang espiritu. Di-hamak na mas malakas ang masasamang espiritu kaysa sa mga tao. Maraming tao ang hindi makawala sa kapangyarihan ng mababangis na kaaway na ito ng Diyos. Pero maraming ulit na nag-palayas si Jesus ng mga demonyo at inutusan ang masasamang espiritung ito na palayain ang kanilang mga biktima. Hindi siya natakot sa mga espiritung iyon. Sa halipm sila ang natakot sa kaniya dahil alam nilang may awtoridad siya.

Kamatayan. Ang kamatayan ay angkop na tawaging “huling kaaway.” Ito’y isang kaaway na hindi kayang talunin ng sinumang tao. (1 Corinto 15:26) Pero bumuhay si Jesus ng mga patay. Binuhay niya ang binatilyong anak ng isang babaing balo at ang dalagitang anak ng nagdadalamhating mag-asawa. At ang pinakapambihira sa lahat ay nang buhaying muli ni Jesus ang mahal niyang kaibigan na si Lazaro sa harap ng nagdadalamhating mga tao, kahit halos apat na araw na itong patay! Maging ang mga mortal na kaaway ni Jesus ay aminadong ginawa niya ang himalang ito.-Juan 11:38-48; 12:9-11.

Bakit kaya ginawa ni Jesus ang lahat ng himalang ito? Hindi ba’t namatay rin naman ang lahat ng tinulungan niya? Oo nga, pero ang mga himali ni Jesus ay isang katibayan na matutupad ang lahat ng kapanapanabik na hula tungkol sa pamamahala ng Mesiyanikong Hari. Hindi dapat pag-alinlangan ang kapangyarihan ng Haring pinahiran ng Diyos dahil talagang kaya niyang alisin ang kakapusan sa pagkain, sakit, masamang lagay ng panahon, masasamang espiritu, o ang mismong kamatayan. Naipakita niya na talagang pinagkalooban siya ng Diyos ng kapangyarihang gawin ang lahat ng bagay na ito.-Batay sa mga aklat ng Mateo, Marcos, Lucas, at Juan.

19] Ang Hula ni Jesus na Makaaapekto sa Buong Daigdig

Inihula ni Jesus ang mga pangyayaring bahagi ng tanda ng pagsisimula ng kaniyang paghahari at ng katapusan ng sistemang ito ng mga bagay

SA Bundok ng mga Olibo, kung saan natatanaw ang kagandahan ng Jerusalem at ng templo nito, apat sa mga apostol ni Jesus ang nagtanong sa kaniya nang sarilinan tungkol sa ilang sinabi niya. Kasasabi lang ni Jesus na mawawasak ang templo sa Jerusalem. At minsan ay binanggit din niya sa kanila ang tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 13:40, 49) Kaya nag-tanong ang mga apostol: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”-Mateo 24:3.

Sa sagot ni Jesus, sinabi niya kung ano ang mangyayari bago mawasak ang Jerusalem. Pero ang hulang ito ay may katuparan din sa ngayon at apektado nito ang buong daigdig. Inihula ni Jesus ang tungkol sa maraming pangyayari at kalagayan sa daigdig na bubuo ng isang tanda. Sa pamamagitan ng tandang iyan, makikita ng mga tao sa lupa na nagsimula nang maghari si Jesus sa langit. Magpapahiwatig ito na iniluklok na ng Diyos na Jehova si Jesus bilang Hari ng pinakahihintay na Mesiyanikong Kaharian. Ang tandang ito ay mangangahulugang malapit nang alisin ng Kaharian ang masama at magkakaroon na ng tunay na kapayapaan sa buong sangkatauhan. Kung gayon, ang mga inihula ni Jesus ay magiging tanda ng mga huling araw ng lumang sistemang ito ng mga bagay- ng relihiyon, pulitika, at lipunan sa ngayon- at ng pagsisimula naman ng isang bagong sanlibutan.

Sa kaniyang paliwanag tungkol sa mangyayari sa lupa sa panahon ng kaniyang paghahari sa langit, sinabi ni Jesus na magkakaroon ng digmaan, kakapusan sa pagkain, malalakas na lindol, at iba’t ibang sakit sa buong daigdig. Lalaganap ang kasamaan. Ipangangaral ng tunay na mga alagad ni Jesus ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong lupa. Ang lahat ng ito ay magwawakas sa “malaking kapighatian” na hindi pa nangyayari kahit kailan. –Mateo 24:21.

Paano malalaman ng mga tagasunod ni Jesus na malapit na ang kapighatiang iyon? “Matuto kayo . . . mula sa puno ng igos,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 24:32) Kapag nagkakadahon na ang mga sanga ng puno ng igos, ibig sabihin, malapit na ang tag-init. Sa gayunding paraan, kapag nangyayari na ang lahat ng inihula ni Jesus sa loob ng isang yugto na panahon, ibig sabihin, malapit na ang wakas. Walang nakaaalam ng eksaktong araw at oras ng pagsisimula ng malaking kapighatian kundi ang Ama lamang. Kaya naman pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon.”-Marcos 13:13.- Batay sa Mateo kabanata 24 at 25; Marcos kabanata 13; Lucas kabanata 21.

ANG TANDA NG PAGKAKANARIRITO NI KRISTO

Inihula ni Jesus ang tanda na nagpapakitang malapit nang wakasan ng Diyos ang kasalukuyang masamang sistema ng mga bagay. Mula noong Digmaang Pandaigdig 1, nasaksihan na ng mga tao ang katuparan ng inihula ni Jesus. Ang relihiyon, pulitika, at lipunan ng tao sa buong daigdig ay mabilis na bumubulusok tungo sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay, at wala silang ligtas. Itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na upang makaligtas, dapat silang “manatiling gising” at manindigan sa panig ng Diyos may kinalaman sa isyu ng pagkasoberano.*- Lucas 21:36; Mateo 24:3-14.

20] Pinatay si Jesu-Kristo

Isang bagong pagdiriwang ang pinasimulan ni Jesus ipinagkanulo siya at ipinako sa tulos

TATLO’T kalahating taon nang nangangaral at nagtuturo si Jesus. Alam niyang bilang na ang mga araw niya sa lupa. Ang mga Judiong lider ng relihiyon ay nagsabuwatang patayin siya, pero hindi nila ito magawa sa takot nab aka magkagulo ang mga tao, na naniniwalang isa siyang propeta. Samantala, inimpluwensiyahan ni Satanas ang isa sa 12 apostol ni Jesus- si Hudas Iscariote- na mag-traidor kay Jesus. Inalok ng mga lider ng relihiyon si Hudas ng 30 baryang pilak para ipagkanulo si Jesus.

Sa huling gabi ni Jesus, nakipagtipon siya sa kaniyang mga apostol para ipagdiwang ang Paskuwa. Matapos paalisin si Hudas, pinasimulan niya ang isang bagong pagdiriwang, ang Hapunan ng Panginoon. Kumuha siya ng tinapay, nanalangin, at ipinasa ito sa natirang 11 apostol. “Ito ay nangangahulugan ng aking katawan na siyang ibibigay alang-alang sa inyo,” ang sabi niya. “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” Gayundin ang ginawa niya sa kopa ng alak, na sinasabi: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bias ng aking dugo.”- Lucas 22:19, 20.

Maraming gustong sabihin si Jesus sa kaniyang mga apostol nang gabing iyon. Binigyan niya sila ng bagong utos- na ibigin nila ang isa’t isa nang walang halong kasakiman. Sinabi niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Pinayuhan niya silang huwag mabagabag sa kapahapahamak na mga pangyayaring malapit nang maganap. Taimtim na nanalangin si Jesus para sa kanila. Nag-awitan sila ng mga papuri at saka nagpunta sa hardin ng Getsemani noong gabing iyon.

Habang nasa hardin ng Getsemani, lumuhod si Jesus at ibinuhos sa panalangin ang kaniyang niloloob. Mayamaya, isang grupo ng mga kawal, saserdote, at iba pa ang dumating para arestuhin siya. Nilapitan ni Hudas si Jesus at hinalikan ito para makilala ng grupo kung sino sa mga naroroon si Jesus. Nang gapusin ng mga kawal si Jesus, tumakas ang mga apostol.

Habang nakatayo sa harap ng mataas na hukuman ng mga Judio, ipinakilala ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ang Anak ng Diyos. Para sa hukumang iyon, isa siyang mamumusong at nararapat mamatay. Dinala nila si Jesus sa harap ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato. Bagaman nakita niyang walang kasalanan si Jesus, ibinigay niya si Jesus sa mga mang-uumog na gustong pumatay sa Kaniya.

Si Jesus ay dinala sa Golgota at ipinako ng mga kawal na Romano, sa isang tulos. Bagaman katanghaliang-tapat, biglang nagdilim ang buong paligid. Kinahapunan, namatay si Jesus, at nagkaroon ng isang malakas na lindol. Ang kaniyang mga labi ay inilagay sa isang libingang inuka sa bato. Kinabukasan, ang mga saserdote ay naglagay ng bantay sa pasukan ng libingan para walang makapasok. Makalalabas pa kaya si Jesus sa libingang iyon? Oo. Magaganap ang himala ng mga himala.- Batay sa Mateo kabanata 26 at 27; Marcos kabanata 14 at 15; Lucas Kanata 22 at 23; Juan kabanata 12 hanggang 19.

ANG NAPAKAHALAGANG PAPEL NI JESUS

Malaki ang papel na ginampanan ng kamatayan ni Jesus sa katuparan ng layunin ni Jehova. Palibhasa’y ipinaglihi sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos, ipinanganak siyang sakdal, kaya puwede sanang hindi siya mamatay. Pero ibinigay niya ang kaniyang buhay upang magkaroon ng pagkakataon ang mga tao na mabuhay magpakailanman at tamasahin ang uri ng buhay na naiwala ng masuwaying si Adan.*- Mateo 20:28; Lucas 1:34, 35; Juan 3:16, 36; 2 Pedro 3:13.

21] Buhay ni Jesus!

Nagpakita si Jesus sa kaniyang mga tagasunod upang tagubilinan sila at patibayin

NOONG ikatlong araw pagkamatay ni Jesus, nakita ng ilang babaing alagad niya na naalis na ang batong tumatakip sa pasukan ng kaniyang libingan. Wala nang laman ang libingan!

Dalawang anghel ang nagpakita. “Hinahanap ninyo si Jesus na Nazareno,” ang sabi ng isa. “Ibinangon siya.” (Marcos 16:6) Dali-daling umalis ang mga babae para ibalita ito sa mga apostol. Nasalubong nila si Jesus sa daan. “Huwag kayong matakot!” ang sabi niya. “Humayo kayong matakot!” ang sabi niya. “Humayo kayo, iulat ninyo sa aking mga kapatid, upang makaparoon sila sa Galilea; at doon nila ako makikita.”- Mateo 28:10.

Nang araw ding iyon, dalawang alagad na galing sa Jerusalem ang naglalakad papunta sa nayon ng Emaus. Isang estranghero ang sumabay sa kanila at nagtanong kung ano ang pinag-uusapan nila. Hindi nila siya agad nakilala, pero ang totoo, siya ang binuhay-muling si Jesus. Bakas sa kanilang mukha ang lungkot nang sabihin nilang si Jesus ang pinag-uusapan nila. Ipinaliwanag ng estranghero ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa Mesiyas. Oo, natupad kay Jesus ang mga hula tungkol sa Mesiyas hanggang sa pinakamaliit na detalyo nito.* Nang matanto ng mga alagad na ang kanilang kausap ay si Jesus, na binuhay-muli sa espiritu, siya’y nag-laho.

Dali-daling bumalik sa Jerusalem ang dalawang alagad. Nadatnan nila ang mga apostol na nagkakatipon sa isang saradong silid. Habang, ikinukuwento ng dalawa ang nang-yari, nagpakita si Jesus. Gulat na gulat ang mga tagasunod niya at hindi makapaniwala! “Bakit sumisibol sa inyong mga puso ang mga pag-aalinlangan?” ang tanong ni Jesus. “Nakasulat na ang Kristo ay magdurusa at babangon mula sa mga patay sa ikatlong araw.”-Lucas 24:38, 46.

Sa loob ng 40 araw matapos siyang buhaying-muli, nagpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad sa iba’t ibang pagkakataon. Minsan, nagpakita siya sa mahigit 500 katao! Malamang na sa pagkakataong ito niya ibinigay ang malaking atas na ito: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa,. . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”- Mateo 28:19, 20.

Sa kaniyang huling pakikipagpulong sa 11 tapat na apostol, nangako si Jesus: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko. . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Pagkatapos, si Jesus ay itinaas, at natakpan ng ulap habang umaakyat sa langit.- Batay sa Mateo kabanata 28; Marcos kabanata 16; Lucas kabanata 24; Juan kabanata 20 at 21; 1 Corinto 15:5, 6.

ANG BANAL NA ESPIRITU

Ang banal na espiritu ng Diyos ang pinakamakapangyarihang puwersa sa buong uniberso. Ginamit ng Diyos na Jehova ang kaniyang espiritu, o aktibong puwersa, para lalangin ang langit at lupa at para gabayan ang pagsulat sa Bibliya. Ang espiritung ito ang nasa likod ng lahat ng himalang nabasa natin, pati na ang pinakadakila sa lahat- ang pabuhay-muli kay Jesu-Kristo bilang isang makapangyarihang espiritu.- Genesis 1:2; 2 Samuel 23:2; Gawa 10:38, 1 Pedro 3:18.

22] Walang-Takot na Nangaral ang mga Apostol

Mabilis na lumago ang kongregasyong Kristiyano sa kabila ng pag-uusig

SAMPUNG araw matapos umakyat si Jesus sa langit, mga 120 alagad niya ang nagkatipon sa isang bahay sa Jerusalem noong Kapistahan ng Pentecostes ng mga Judio, taong 33 C.E. Walang anu-ano, ang buong bahay ay napuno ng ingay na gaya ng humahagibis na hangin. Isang himala ang naganap. Nakapagsalita ng iba’t ibang wika ang mga alagad. Paano kaya ito nangyari? Ito’y dahil sa banal na espiritu na ibinigay ng Diyos sa kanila.

Panahon noon ng kapistahan kaya maraming tao sa labas, kasama na ang mga bisitang nagmula sa iba’t ibang lupain. Gulat na gulat ang mga tao nang marinig nilang nag-sasalita ng kanilang wika ang mga alagad ni Jesus. Ipinaliwanag ni Pedro na katuparan ito ng hula ni propeta Joel na “ibubuhos” ng Diyos ang kaniyang espiritu, upang ang mga tumatanggap nito ay makagawa ng makahimalang bagay. (Joel 2:28, 29) Ang mapuwersang patotoong ito ng banal na espiritu ay katibayan ng isang malaking pagbabago: Inalis na sa Israel ang pagsang-ayon ng Diyos, at ibinigay sa bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano. Kaya kung gusto ng isa na tanggapin ng Diyos ang kaniyang paglilingkod, dapat siyang maging tagasunod ni Kristo.

Samantala, tumindi ang pagsalansang at ipinabilanggo ng mga kaaway ang mga apostol. Pero kinagabihan, binuksan ng anghel ni Jehova ang pintuan ng bilangguan at sinabihan ang mga apostol na magpatuloy sa pangangaral. Pagputok ng araw, gayon nga ang ginawa nila. Pumasok sila sa templo at nagturo ng mabuting balita tungkol kay Jesus. Galit nag alit ang kanilang mga kalaban at inutusan silang tumigil sa pangangaral. Walang-takot na sumagot ang mga apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”-Gawa 5:28, 29.

Tumindi ang pag-uusig. Ang mga alagad si Esteban ay inakusahan ng pamumusong at pinagbabato hanggang mamatay. Isang binata- si Saul ng Tarso- ang nanonood sa pagpatay kay Esteban. Pagkaraan, pumunta siya sa Damasco para dakpin ang mga tagasunod ni Kristo. Habang naglalakbay, isang liwanag mula sa langit ang suminag kay Saul at isang tinig ang nagsabi: “Saul, Saul, bakit mo ako pinag-uusig?” Nabulag si Saul dahil sa liwanag at nagtanong: “Sino ka, Panginoon?” Sumagot ang tinig: “Ako ay si Jesus.”- Gawa 9:3-5.

Pagkalipas ng tatlong araw, isinugo ni Jesus ang alagad na si Ananias para ibalik ang paningin ni Saul. Nabautismuhan si Saul at buong-tapang na nangaral tungkol kay Jesus. Nang maglaon, nakilala si Saul bilang apostol Pablo at naging masigasig na miyembro ng kongregasyong Kristiyano.

Sa mga Judio at mga Samaritano pa lamang ipinangangaral noon ng mga alagad ni Jesus ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Pero isang anghel ang nagpakita kay Cornelio, isang opisyal ng hukbo ng Roma na may takot sa Diyos, at sinabihan itong ipatawag si apostol Pedro. Si Pedro, kasama ang iba pa, ay nangaral kay Cornelio at sa sambahayan nito. Habang kausap sila ni Pedro, bumaba ang banal na espiritu sa mga mananampalatayang Gentil na iyon, at sinabi ng apostol na magpabautismo sila sa pangalan ni Jesus. Bukas na ngayon sa mga tao ng lahat ng bansa ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. At handa na ang kongregasyon na ipangaral ang mabuting balita sa malalayong lupain.- Batay sa Gawa 1:1-11:21.

23] Lumaganap ang Mabuting Baita

Naglakbay si Pablo para mangaral

MATAPOS makumberte, si Pablo ay masigasig na naghayag ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos- pero ang dating salansang na ito ang siya na ngayong mahigpit na sinasalansang. Ang walang-pagod na apostol na ito ay naglakbay patungo sa malalayong lupain para ipangaral ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos para sa mga tao.

Sa unang paglalakbay-misyonero ni Pablo, isang lalaking isinilang na lumpo ang pinagaling niya sa Listra. Dahil dito, ipinagsigawan ng mga tao na si Pablo at ang kaniyang kasamang si Bernabe ay may diyos. Halos walang magawa ang dalawang lalaking ito para pigilan ang mga tao sa paghahandog sa kanila. Pero dahil sa sulsol ng mga kaaway, ang mga tao ring ito ang bumato kay Pablo, at saka lamang siya iniwan sa pag-aakalang patay na siya. Pero nakaligtas siya, at nang maglaon ay bumalik sa lunsod na iyon para patibayin ang mga alagad.

May mga Judiong Kristiyano noon na nangangatuwirang dapat sumunod ang mga di-Judiong mananampalataya sa ilang bahagi ng Kautusan ni Moises. Idinulog ni Pablo ang problemang ito sa mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem. Matapos pag-aralang mabuti ang Kasulatan at hingin ang patnubay ng banal na espiritu ng Diyos, ang mga lalaking ito ay sumulat sa mga kongregasyon. Pinayuhan nila ang mga ito na umiwas sa idolatriya, pakikiapid, at pagkain ng dugo at ng karneng di-pinatulo ang dugo. ang mg autos na ito ay “mga bagay . . . na kinakailangan,” pero ang pagsunod sa mga ito ay hindi naman nangangahulugang kailangan pa ring sundin ang Kautusang Mosaiko.-Gawa 15:28, 29.

Sa ikalawang paglalakbay-misyonero ni Pablo, pumunta siya sa Berea, na ngayo’y nasa modernong-panahong Gresya. May-pananabik na tinanggap ng mga Judio roon ang kaniyang mga turo, na sinusuri ang Kasulatan araw-araw para tiyakin kung totoo nga ang mga ito. Pero dahil sa pagsalansang, napilitan na naman siyang umalis. Sa pagkakataong ito, pumunta siya sa Atenas. Sa harap ng mga edukadong taga-Atenas, nagbigay si Pablo ng mapuwersang pahayag na isang magandang halimbawa ng pag-gamit ng taktika, kaunawaan, at kahusayan sa pagsasalita.

Matapos ang ikatlong paglalakbay-misyonero ni Pablo, pumunta siya sa Jerusalem. Nang magtungo siya sa templo, may ilang Judio na nagpasimuno ng gulo at gusto siyang patayin. Namagitan ang mga kawal na Romano at pinag-tatanong si Pablo. Gamit ang pagkamamamayang Romano, ipinagtanggol niya ang kaniyang sarili sa harap ng Romanong gobernador na si Felix. Walang maipakitang ebidensiya ang mga Judio para suportahan ang kanilang akusasyon kay Pablo. Para hindi siya ibigay ni Festo, isa pang Romanong gobernador, sa kamay ng mga Judio, sinabi ni Pablo: “Umaapela ako kay Cesar!” Sumagot si Festo: “Kay Cesar ka paroroon.”-Gawa 25:11,12.

Isinakay si Pablo sa isang barko para dalhin sa Italya at doon litisin. Nawasak ang barkong sinasakyan nila, kung kaya nagpalipas muna sila ng taglamig sa pulo ng Malta. Pagdating sa Roma, nanirahan siya sa isang paupahang bahay sa loob ng dalawang taon. Bagaman may bantay na kawal ang masigasig na apostol na ito, patuloy pa rin niyang ipinangangaral ang Kaharian ng Diyos sa mga dumadalaw sa kaniya.-Batay sa Gawa 11:22-28:31.

24] Sumulat si Pablo sa mga Kongregasyon

Pinalakas ng mga liham ni Pablo ang mga Kristiyano noong unang siglo

ANG bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano noong unang siglo ay may mahalagang papel sa katuparan ng layunin ni Jehova. Kaya lang, sinalakay agad ang mga Kristiyanong iyon. Mananatili kaya silang tapat sa kabila ng pag-uusig mula sa labas ng kongregasyon at sa kabila ng di-nakikitang panganib sa loob mismo ng kongregasyon? Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay naglalaman ng 21 liham na nagbibigay ng mahahalagang payo at pampatibay-loob.

Ang 14 sa mga liham na ito- mula Roma hanggang Hebreo- ay isinulat ni Apostol Pablo. Ang mga liham na ito ay nakapangalan sa mismong mga kinauukulan nito- ito man ay sa isang indibiduwal o sa buong kongregasyon. Tingnan natin ang ilang paksa tinalakay ni Pablo sa kaniyang mga liham.


Payo tungkol sa moralidad at paggawi.
Ang mga nakikiapid, nangangalunya, at gumagawa ng iba pang malulubhang kasalanan ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”(Galacia 5:19-21; 1 Corinto 6:9-11) Dapat magkaisa ang mga mananamba ng Diyos anuman ang kanilang lahi o nasyonalidad. (Roma 2:11; Efeso 4:1-6) Dpat na maging masaya sila sa pagtulong sa mga kapananampalatayang nangangailangan.(2 Corinto 9:7) “Manalangin kayo nang walang lubay,” ang sabi ni Pablo. Oo, pinasisigla ang mga mananamba na ibuhos kay Jehova sa panalangin ang kanilang niloloob. (1 Tesalonica 5:17; 2 Tesalonica 3:1; Filipos 4:6, 7) Upang dinggin ng Diyos an gating panalangin, dapat na samahan ito ng pananampalataya.- Hebreo 11:6.

Paano magiging maligaya ang mga pamilya? Dapat ibigin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawang babae gaya ng kanilang sarili. Dapat igalang ng mga babae ang kani-kanilang asawang lalaki. Dapat sundin ng mga anak ang kanilang mga magulang, dahil ito ang gusto ng Diyos. Dapat gabayan at sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa maibiging paraan, sa tulong ng mga simulain ng Diyos. –Efeso 5:22-6:4; Colosas 3:18-21.

Paliwanag tungkol sa layunin ng Diyos.
Naging proteksiyon at gabay ng mga Israelita ang Kautusang Mosaiko hanggang sa pagdating ng Kristo.(Galacia 3:24) Pero hindi nakadepende sa pagsunod sa Kautusang iyan ang pagsamba ng mga Kristiyano sa Diyos. Sa liham ni Pablo sa mga Hebreo- mga Kristiyanong Judio- ipinaliwanag niya ang kahulugan ng Kautusan at kung paano natupad kay Kristo ang layunin ng Diyos. Ipinaliwanag ni Pablo na may mga bahagi ng Kautusan na lumalarawan sa ilang mahahalagang bagay. Halimbawa, ang paghahandog ng mga hayop ay lumalarawan sa sakripisyong kamatayan ni Jesus, na siyang magbibigay-daan sa lubos na kapatawaran ng mga kasalanan. (Hebreo 10:1-4) Sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus, pinawalang-bisa ng Diyos ang tipang Kautusan, dahil hindi na ito kailangan.-Colosas 2:13-17; Hebreo 8:13.

Tagubilin tungkol sa tamang kaayusan sa kongregasyon.
Ang mga lalaking handang gumanap ng mga pananagutan sa kongregasyon ay dapat makaabot sa mataas na pamantayang moral at sa mga kuwalipikasyong binabanggit sa Bibliya. (1 Timoteo 3:1-10, 12, 13; Tito 1:5-9) Dapat magtipon nang regular ang mga mananamba ng Diyos na Jehova para magtibayan sa isa’t isa. (Hebreo 10:24, 25) Dapat na nakapagtuturo at nakapagpapatibay ang mga pulong para sa pagsamba.-1 Corinto 14:26,31.

Nang isulat ni Pablo ang kaniyang ikalawang liham kay Timoteo, nasa Roma na uli ang apostol; nakabilanggo siya roon at naghihintay ng hatol. Iilan lamang ang naglakas-loob na dumalaw sa kaniya. Alam ni Pablo na bilang na ang mga araw niya. “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban,” ang sabi niya. “Natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya.” (2 Timoteo 4:7) Malamang na pinatay si Pablo di-nagtagal pagkaraan nito. Pero ang mga liham ng apostol ay nagsisilbi pa ring gabay sa mga mananamba ng Diyos hanggang ngayon.- Batay sa Roma; 1 at 2 Corinto; Galacia; Efeso; Filipos; Colosas; 1 at 2 Tesalonica; at 2 Timoteo; Tito; Filemon; at Hebreo.

SINO ANG IPINANGAKONG BINHI?

Nang magkasala sina Adan at Eva, sinabi ng Diyos sa ahas ang makasagisag na pananalitang ito: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.(Genesis 3:15) Ayon sa Kasulatan, ang Diyablo ang “orihinal na serpiyente,” o ahas. (Apocalipsis 12:9) Kung sino ang Binhi, o Tagapagligtas, na ipinangako ng Diyos- iyan ay isang lihim na unting-unting isiniwalat sa Bibliya sa loob ng daan-daang taon.

Mga 2,000 taon mula nang magkasala sina Adan at Eva, ipinahiwatig ni Jehova na ang ipinangakong Binhi ay magmumula sa angkan ni Abraham.(Genesis 22:17, 18) Pagkalipas ng daan-daang taon, isiniwalat ni apostol Pablo na ang pangunahing bahagi ng Binhi ay ang Mesiyas, si Jesu-Kristo.(Galacia 3:16) Ang makasagisag na pagsugat “sa sakong” ni Jesus na inihula sa Genesis 3:15 ay natupad ng patayin siya. Gayunman, binuhay siyang muli bilang “espiritu.”-1 Pedro 3:18.

Nilayon din ng Diyos na 144,000 tao ang maging pangalawang bahagi ng binhi. (Galacia 3:29; Apocalipsis 14:1) Binuhay silang muli bilang mga espiritu na makakasama ni Kristo sa makalangit na Kaharian.-Roma 8:16,17.

Bilang makapangyarihan Hari sa langit, malapit nang lipulin ni Jesus ang binhi ng Diyablo- ang masasamang tao at mga demonyong kampon ni Satanas. (Juan 8:44; Efeso 6:12) Ang pamamahala ni Jesus ay magdudulot ng kapayapaan at kaligayahan sa lahat ng masunuring tao. Sa dakong huli, susugatan niya “sa ulo” ang ahas. Ito na ang magiging katapusan ng Diyablo.- Hebreo 2:14.

25] Payo Tungkol sa Pananampalataya, Paggawi, at Pag-ibig

Sina Santiago, Pedro, Juan, at Judas ay sumulat ng mga liham para palakasin ang kanilang mga kapananampalataya

SINA Santiago at Judas ay mga kapatid ni Jesus sa ina. Sina Pedro at Juan naman ay kabilang sa 12 apostol ni Jesus. Pito sa mga liham na mababasa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay isinulat ng apat na lalaking ito. ang bawat liham ay nakapangalan sa sumulat nito. Ang mga payo mula sa Diyos na mababasa sa mga liham na ito ay isinulat para matulungan ang mga Kristiyano na manatiling tapat kay Jehova at sa kaniyang Kaharian.

Magkaroon ng pananampalataya. Hindi sapat ang basta pagsasabing may pananampalataya ang isa. Ang tunay na pananampalataya ay may kasamang gawa. “Tunay nga” isinulat ni Santiago, “ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” (Santiago 2:26) Ang pagharap sa mga pagsubok nang may pananampalataya ay tumutulong para mabata o mapagtagumpayan ang mga ito. upang magtagumpay, ang isang Kristiyano ay dapat humiling sa Diyos na bigyan siya ng karunungan at magtiwalang ibibigay ito sa kaniya. Ginagantimpalaan ng Diyos ang mga nagbabata. (Santiago 1:2-6, 12) Kapag ang isang mananamba ay nananatiling tapat kay Jehova dahil sa kaniyang pananampalataya, sinusuklian ito ng Diyos na Jehova. “Lumapit kayo sa Diyos,” ang Diyos na Jehova. “Lumapit kayo sa Diyos,” ang sabi ni Santiago, “at lalapit siya sa inyo.”-Santiago 4:8.

Dapat na maging matatag ang pananampalataya ng isang Kristiyano upang makaiwas siya sa mga tukso at imoral na mga gawain. Dahil sa patuloy na pagbaba ng moralidad, kinailangang payuhan ni Judas ang kaniyang mga kapananampalataya na “puspusang makipag-laban ukol sa pananampalataya.”- Judas 3.

Maging malinis sa paggawi. Inaasahan ni Jehova na ang kaniyang mga mananamba ay magpapakabanal, samakatuwid nga, malinis sa lahat ng bagay. Sumulat si Pedro: “Magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi, sapagkat nasusulat: ‘Magpakabanal kayo, sapagkat ako [si Jehova] ay banal.’” (1 Pedro 1:15, 16) May isang halimbawa na karapat-dapat tularan ng mga Kristiyano. “Si Kristo ay nagdurusa para sa inyo,” ang sabi ni Pedro, “na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Bagaman posibleng magdusa ang mga Kristiyano dahil sa pagsunod sa mga pamantayan ng Diyos, napananatili naman nila ang kanilang “mabuting budhi.” (1 Pedro 3:16, 7) Pinayuhan ni Pedro ang mga Kristiyano na palaging magpakita ng mabuting paggawi at mga gawang nag-papatunay ng kanilang debosyon sa Diyos. Ito ang dapat nilang gawin habang hinihintay ang araw ng paghatol ng Diyos at ang ipinangakong bagong sanlibutan kung saan “tatahan ang katuwiran.”- 2 Pedro 3:11-13.

Magpakita ng pag-ibig. “Ang Diyos ay pag-ibig,” isinulat ni Juan. Ayon sa apostol, ipinakita ng Diyos ang kaniyang dakilang pag-ibig nang isugo Niya si Jesus bilang “hain para sa ating mga kasalanan.” Paano dapat tumugon ang mga Kristiyano? Nagpaliwanag si Juan: “Mga minamahal, kung sa ganitong paraan tayo inibig ng Diyos, kung gayon tayo mismo ay may pananagutan na mag-ibigan sa isa’t isa.” (1 Juan 4:8-11) Ang pagiging mapagpatuloy sa mga kapananampalataya ay isang paraan ng pagpapakita ng gayong pag-ibig.-3 Juan 5-8.

Pero paano naman maipakikita ng mga mananamba ni Jehova na iniibig nila siya? Sumago si Juan: “Ito ang kahulugan ng pag-ibi sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mg autos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3; 2 Juan 6) Kaya makatitiyak ang mga masunurin sa Diyos na patuloy silang iibigin ng Diyos taglay ang pag-asang mabuhay magpakailanman.- Judas 21. –Batay sa Santiago; 1 at 2 Pedro; 1 2, at 3 Juan; at Judas.

26] Naibalik na Paraiso!

Sa pamamagitan ng Kahariang pinamamahalaan ni Kristo, pababanalin ni Jehova ang Kaniyang pangalan, ipagbabangong-puri ang Kaniyang Soberanya, at aalisin ang lahat ng masama.

ANG huling aklat ng Bibliya, ang Pahayag o Apocalipsis, ay nagbibigay ng pag-asa sa lahat ng tao. Ang aklat na ito isinulat ni Juan ay naglalaman ng mga pangitain na hahantong sa katuparan ng layunin ni Jehova.

Sa unang pangitain, pinuri at itinuwid ng binuhay-muling si Jesus ang ilang kongregasyon. Sa sumunod na pangitain naman, nakita ni Juan ang trono ng Diyos sa langit, kung saan naghahandog ng papuri sa Kaniya ang mga espiritung nilalang.

Habang natutupad ang layunin ng Diyos, ang Korderong si Jesu-Kristo ay tumanggap ng isang balumbong may pitong tatak. Nang buksan ang unang apat na tatak, lumitaw sa eksena ng daigdig ang makasagisag na mga mangangabayo. Ang una ay si Jesus na nakasakay sa putting kabayo at nakokoronahan bilang Hari. Kasunod niya ang mga mangangabayo na nakasakay sa mga kabayong magkakaiba ang kulay. Sila’y lumalarawan sa digmaan, taggutom, at salot- na lahat ay nangyayari sa mga huling araw ng daigdig na ito. Nang buksan naman ang ikapitong tatak, pitong makasagisag na trumpeta ang hinipan bilang hudyat ng paghahayag ng mga hatol ng Diyos. Kasunod nito ang pitong makasagisag na salot, o kapahayagan ng galit ng Diyos.

Ang Kaharian ng Diyos, na inilalarawan bilang bagong-silang na lalaking sanggol, ay itinatag sa langit. Sumiklab ang digmaan, at inihagis sa lupa si Satanas at ang kaniyang ubod-samang mga anghel. “Sa aba ng lupa,” ang sabi ng isang malakas na tinig. Napakatindi ng galit ng Diyablo dahil alam niyang kaunti na lamang ang kaniyang panahon.-Apocalipsis 12:12.

Nakita ni Juan si Jesus sa langit na inilalarawan bilang isang kordero, kasama ang 144,000 pinili mula sa mga tao. Ang mga ito ay ‘mamamahala . . . bilang mga hari na kasama” ni Jesus. Kung gayon, ipinakikita ng Apocalipsis na ang pangalawahing bahagi ng binhi ay may bilang na 144,000.- Apocalipsis 14:1, 20;6.

Ang mga tagapamahala sa lupa ay matitipon sa Armagedon, ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Makikipagdigma sila sa isa na nakaupo sa puting kabayo- si Jesus, na siyang pinuno ng makalangit na hukbo. Malilipot ang lahat ng tagapamahala ng daigdig na ito at igagapos si Satanas. Saka ngayon pamamahalaan ni Jesus at ng 144,000 ang lupa sa loob ng “isang libong taon.” Pagkatapos ng isang libong taong iyon, pupuksain na si Satanas.- Apocalipsis 16:14; 20:4.

Ano ang maisasagawa ng isang libong taong pamamahala ni Kristo at ng kaniyang mga kasama para sa masunuring mga tao? Sumulat si Juan: “Papahirin [ni Jehova] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng pag-hiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) Magiging paraiso ang lupa!

Kung gayon, sa aklat na ito ng Apocalipsis nagtatapos ang mensahe ng Bibliya. Sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian, pababanalin ang pangalan ni Jehova at lubusang ipagbabangong-puri ang kaniyang soberanya magpakailanman!- Batay sa aklat ng Apocalipsis.

“BABILONYANG DAKILA”

Sa aklat ng Apocalipsis, lahat ng huwad na relihiyon- samakatuwid nga, ang mga relihiyong lumalaban sa tunay na Diyos- ay tinutukoy sa kabuuan, bilang ang “dakilang patutot,” na tinatawag ding “Babilonyang Dakila.” Ibinibenta nito, gaya ng isang babaing bayaran, ang kaniyang sarili sa mga makapulitikang kapangyarihan sa daigdig. Pagsapit ng itinakdang oras ng Diyos na Jehova, ang sabi ng Apocalipsis, ang mga kapangyarihang ito mismo ang sasalakay at lilipol sa patutot na iyon.-Apocalipsis 17:1-5, 16, 17.

ANG BUOD NG MENSAHE NG BIBLIYA

1] Nilalang ni Jehova sina Adan at Eva para mabuhay magpakailanman sa Paraiso. Nilapastangan ni Satanas ang pangalan ng Diyos at kinuwestiyon ang karapatan ng Diyos na mamahala. Sumama sina Adan at Eva kay Satanas sa pagrerebelde, at nagbunga ito ng kasalanan at kamatayan para sa kanila at sa kanilang mga anak

2] Hinatulad ni Jehova ang mga rebeldeng ito at nangakong magkakaroon ng isang Tagapagligtas, o Binhi, na dudurog kay Satanas at mag-aalis sa lahat ng epekto ng rebelyon at kasalanan

3] Ipinangako ni Jehova kina Abraham at David na magiging ninuno sila ng Binhi, o Mesiyas, na mamamahala magpakailanman bilang Hari

4] Inihula ng mga propeta ni Jehova na aalisin ng Mesiyas ang kasalanan at kamatayan. Kasama ang iba pang tagapamahala, siya ay magiging Hari ng Kaharian ng Diyos na mag-aalis ng digmaan, sakit, at maging kamatayan

5] Isinugo ni Jehova sa lupa ang kaniyang Anak at ipinakilala si Jesus bilang ang Mesiyas. Ipinangaral ni Jesus ang Kaharian ng Diyos at inihandog ang kaniyang buhay bilang hain. Pagkaraan, binuhay siyang muli ni Jehova bilang espiritu

6] Iniluklok ni Jehova ang kaniyang Anak bilang Hari sa langit, na hudyat ng pagsisimila ng mga huling araw ng daigdig na ito. ginagabayan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod dito sa lupa habang ipinangangaral nila ang Kaharian ng Diyos sa buong lupa

7] Inatasan ni Jehova ang kaniyang Anak na mamahala sa lupa. Dudurugin ng Kaharian ang lahat ng pamamahala ng tao, itatatag ang Paraiso, at pasasakdalin ang lahat ng tapat na tao. Ipagbabangong-puri ang karapatan ni Jehova na mamahala, at pababanalin ang kaniyang pangalan magpakailanman


Timeline:
“Nang pasimula . . .”
Nilalang si Adan 4026 B.C.E
Namatay si Adan 3096 B.C.E
Naganap ang Baha 2370 B.C.E
Ipinanganak si Abraham 2018 B.C.E
1943 B.C.E Tipang Abrahamiko
Ipinagbili si Jose bilang alipin 1750 B.C.E
Sinubok si Job bago 1613
Pag-alis sa Ehipto 1513 B.C.E
1473 Pumasok ang Israel sa Canaan sa pangunguna ni Josue
1467 B.C.E Nasakop ang kalakhang bahagi ng Canaan
Pinahiran si Saul bilang hari 1117 B.C.E
1070 B.C.E Tipan ng Diyos kay David
Naging hari si Solomon 1037 B.C.E
1027 B.C.E Natapos ang templo ng Jerusalem
Mga 1012 B.C.E Natapos ang Awit ni Solomon
997 B.C.E Nahati sa dalawang kaharian ang Israel
Nakumpleto ang Mga Kawikaan mga 717 B.C.E
Winasak ang Jerusalem, mga Judio dinalang bihag sa Babilonya 607 B.C.E
539 B.C.E Bumagsak ang Babilonya sa kamay ni Ciro
537 B.C.E Bumalik sa Jerusalem ang mga Judio
Muling itinayo ang pader ng Jerusalem; nagsimula ang 69 na “sanlinggo” 455 B.C.E
Pagkatapos ng 443 B.C.E. Natapos ni Malakias ang makahulang aklat niya
Ipinanganak si Jesus mga 2 B.C.E.
1 B.C.E pansinin: Walang taong zero 1 C.E
29 C.E Nabautismuhan si Jesus
29 C.E. Sinimulang ipangaral ni Jesus ang Kaharian ng Diyos
Pumili si Jesus ng 12 apostol; ipinahayag ang Sermon sa Bundok 31 C.E.
32 C.E. Binuhay muli ni Jesus si Lazaro
Nisan 1,33 C.E. (Ang Nisan ay sa pagitan ng Marso at Abril)
Ipinako si Jesus sa tulos Nisan 14
Nisan 16 Binuhay-muli si Jesus
Sivan 6,33 Pentecostes; ibinuhos ang banal na espiritu (Ang Sivan ay sa pagitan ng Mayo at Hunyo)
36 C.E. Naging Kristiyano si Cornelio
Mga 47-49 Unang paglalakbay-misyonero ni Pablo
Mga 49-52 ikalawang paglalakbay-misyonero ni Pablo
Mga 52-56 C.E. ikatlong paglalakbay-misyonero ni Pablo
Sumulat ng mga liham si Pablo habang nakabilanggo sa Roma
Bago 62 C.E. Isinulat ni Santiago, kapatid sa ina ni Jesus, ang kaniyang liham
66 C.E. Naghimagsik ang mga Judio laban sa Roma
Winasak ng mga Romano ang Jerusalem at ang templo nito 70 C.E.
Isinulat ni Juan ang Apocalipsis mga 96 C.E.
Namatay si Juan, ang natitirang apostol mga 100 C.E.

1 comment:

  1. Propesiya lingkod ng Diyos
    `` `` `` ``
    salita Atmak hindi kinakailangang ibig sabihin 'kanino mapanindigan ko' ngunit ay infact isang pangalan

    ang pagsulat ng Atmak ay אתמך
    ang pagsulat ng Ahmad ay אחמד

    Isaias 42:1
    Diyos sabi ni
    "Narito, 'Aking lingkod' (binibigkas bilang Abd-ee), 'kanino mapanindigan ko' (binibigkas bilang Atmak);

    Diyos pagbanggit tungkol sa pagdating ng Kanyang tagapaglingkod
    Masdan ang Aking lingkod Ahmad (Isaias 42:1) - kaya kung sino ang Ahmad na ito bilang sa God'servant?

    Siya ay wala maliban sa
    Abd-Ala Ahmad (lingkod ng Diyos, Ahmad) - Propetang si Muhammad nakita

    ReplyDelete